Ni: Rey Bancod

KUALA LUMPUR - Kaagad na nagparamdam ng lakas ang tatlong Pinoy boxers, kabilang ang dalawa na sigurado na sa podium ng boxing competition sa 29th Southeast Asian Games nitong Linggo sa Malaysia International Trade and Exhibition Center.

Pinataob ni Ian Clark Bautista si Abdul Salam Kasim ng Malaysia para makausad sa semifinals ng flyweight division, habang nakasiguro ng bronze si Eumir Felix Marcial nang magapi sa middleweight class si Nguyen Manh Cuong ng Vietnam.

Napabagsak naman ni Mario Fernandez, reigning bantamweight gold medalist, ang karibal na si Maung Nge ng Myanmar sa first round.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Pagod. Mahirap din kasi kahit hindi masyado makatama,” pahayag ni Bautista, pambato ng Binalbagan, Negros Occidental.

Pinakawalan ni Fernandez ang magkakasunod na kombinasyon para mapangalog ang tuhod ng karibal at bilangn ng standing-10 count.

“Matibay din eh pero sinunod ko na lang ‘yung sinabi ni coach na ilaro ko ‘yung laro ko,” ayon kay Fernandez mula sa Bukidnon.

“Nag-aalalay pa ako kasi sunod-sunod ang laro,” sambit ni Marcial.

Nakatakdang sumabak ang tatlo pang Pinoy boxers na sina light flyweight Carlo Paalam, light welterweight Charly Suarez, at light heavyweight Marvin John Nobel Tupas.