Ni: Francis T. Wakefield

Isang kilabot na miyembro ng Abu Sayyaf Group at pito pang suspek ang naaresto ng militar at pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa Sulu noong nakaraang linggo.

Dinampot si Fahar Ismael, alyas “Putoh Taron”, miyembro ng Abu Sayyaf, sa checkpoint ng 41st Infantry Battalion at ng pulisya sa Barangay Timbangan, Indanan, Sulu, bandang 7:00 ng umaga nitong Miyerkules.

Sinasabing sangkot si Ismael sa pagdukot kina Engr. Marso Salinas at Evelyn Chan. Mayroon din siyang arrest warrant sa kasong murder.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Samantala, pitong lalaki naman ang dinakip ng militar at pulisya sa bayan ng Lugus sa Sulu dakong 7:16 ng umaga nitong Biyernes.

Nakumpiska mula sa pito ang tatlong M14 rifle, dalawang M16 rifle, isang M1 Garand rifle, isang .45 caliber pistol, anim na clip ng Garand rifle, iba’t ibang magazine, 13 magazine ng M16, sari-saring bala, at mga uniporme.

Kakasuhan ng illegal possession of firearms ang mga suspek, na nailipat na sa kustodiya ng Sulu Police Provincial Office.