Nina Ben Rosario at Mary Ann Santiago
Muling hinamon kahapon ng opposition leader na si Albay Rep. Edcel Lagman si Pangulong Duterte na agarang bumuo ng independent fact-finding commission na magsasagawa ng masusi at walang kinikilingang imbestigasyon sa lumulubhang summary killings na iniuugnay sa drug war ng administrasyon.
Nabuo ito pagkatapos magbabala si House Senior Deputy Minority Leader at Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na ang pagdami ng pagpatay na may kaugnayan sa droga na nagsimula noong nakaraang taon ay naging sanhi ng “pagkamanhid” ng mga Pilipino hinggil sa kahalagahan ng buhay at ng pagkondena sa karahasan.
“Desensitizing society is in full effect now. A number of Filipinos are no longer alarmed with what has been happening in our midst,” sabi niya.
Sa isang press statement, sinabi ni Lagman na muli niyang iginigiit ang dati niyang mungkahi habang patuloy na nadaragdagan ang mga namamatay araw-araw, na pinakamarami ang napatay sa Bulacan na umabot sa 32.
Iminungkahi ni Lagman ang paglikha ng fact-finding commission ng mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema at ng Court of Appeals na pawang mararangal, at sinabi na ang ganitong lupon ay tiyak na magsasagawa ng patas na imbestigasyon sa mga pagpatay, na iniulat na umabot na sa 10,000 simula nang umupo sa kapangyarihan ang gobyernong Duterte noong Hulyo 2016.
Samantala, mariing kinondena ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko ang itinuturing na ‘deadliest week’ sa kampanya ng pamahalaan kontra illegal drugs.
Ito’y matapos na sa loob lamang ng tatlong araw ay umabot na sa 82 ang namatay na ang karamihan ay nagmula sa dalawang diocese na sakop ng dalawang Obispo, habang isang menor de edad ang napatay sa Caloocan, at nasa 34 naman ang napatay sa Maynila.
Ayon kay Malolos Bishop Jose Oliveros, lubha siyang naalarma sa patuloy na pagdami ng namamatay na may kinalaman sa bawal na gamot, dahil karamihan sa mga ito ay maituturing na “extrajudicial killings.”
“We are all concerned about the number of drug related killings in the province because they are mostly, if not all, extra judicial killings,” aniya. “We do not know the motivation of the police why they had to do the killings in one day, maybe to impress the President who wanted more.”
“I wish the government would give priority to the rehabilitation program and treat drug addiction more as a sickness rather than a crime,” ayon kay Oliveros.