Ni: Reggee Bonoan
HALA, dire-diretso na ang love team na AlEmpoy dahil magkasama sila sa bagong teleserye ng Dreamscape Entertainment.
Nakita namin ang Instagram post ng business unit head ng Dreamscape na si Deo Endrinal ang, “Grinding soon, directed by Antoinette Jadaone. ❤ #PioloArciJC #Alempoy #DreamscapeNewSerye”.
Makakasama nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez sa naturang serye sina Arci Muñoz, JC de Vera at Piolo Pascual.
Huhulaan na namin na sina Piolo, Arci at JC ang love triangle at tiyak namang love interest ng AlEmpoy ang isa’t isa, tama ba, Bossing DMB?
(Malay natin naman natin kung sina Empoy at Arci and magkatambal, Reggee. Huwag kang ano d’yan. –DMB)
Dahil sa big success ng Kita Kita (P320M na ang kinikita, bukod pa ang income sa iba’t ibang bansa) ay natuloy sa soap drama ang tambalan ng dalawa. Ibig sabihin, wala pang follow-up movie ang AlEmpoy.
Maraming televiewers na nakaka-miss kay Piolo dahil tatlong taon na ang nakalilipas nu’ng huli siyang mapanood sa seryeng Hawak Kamay (2014) kasama sina Iza Calzado, Nikki Gil, Zaijian Jaranilla, Xyriel Manabat, Yesha Camile at Andrea Brillantes.
Bongga naman si JC dahil kahit umeere pa ang The Better Half (malapit nang matapos), may kasunod kaagad siyang project at major role pa.
Ano kaya ang papel ni Arci, may kinalaman kaya ito sa pagpaparetoke raw niya ng bibig at ilong na laman ngayon sa social media?
Tulad ng nabanggit ni Sir Deo, ang isa sa mga paborito naming direktor na si Antoinette Jadaone ang hahawak ng bagong serye.