Ni: Rommel P. Tabbad
Sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman si Dumingag, Zamboanga del Sur Vice Mayor Nacianceno Pacalioga, Jr.dahil sa mga irregularidad sa inihain nitong statement of assets, liabilities and networth (SALN) noong 2011, 2012 at 2014.
Ayon sa Ombudsman, napatunayang nagkasala si Pacalioga, dating alkalde ng Dumingag, sa falsification of official document at serious dishonesty kaugnay ng nabanggit na usapin.
Bukod sa pagkansela sa kanyang civil service eligibility, pinawalang-saysay na rin ng anti-graft court ang retirement benefits ni Pacalioga, at binawalan na ring magtrabaho sa pamahalaan.
Sinabi ng Ombudsman na sadyang hindi isinama ni Pacalioga sa SALN nito sa nabanggit na mga taon ang 10 lupain nito sa iba't ibang barangay sa Dumingag.
Kaugnay nito, pinakakasuhan din si Pacalioga ng tatlong bilang ng perjury at tatlong bilang ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.