NI: Lyka Manalo
BATANGAS - Naaresto ng mga awtoridad ang isang pulis na sinasabing suspek sa pagbaril at pagpatay sa municipal nurse sa Agoncillo, Batangas.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si PO1 Justin Feliciano Colona, nakatalaga sa 3rd Maneuver Platoon ng Quezon Provincial Public Safety Company.
Ayon sa report mula kay Senior Insp. Hazel Luma-ang, public information officer ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), suspek umano si Colona sa pagpatay kay Darrel Irvin Cabello De Claro, 28 anyos.
Ayon sa report, dakong 5:45 ng hapon nitong Agosto 16 nang barilin umano ng suspek ang biktima habang sakay sa motorsiklo sa Barangay Poblacion, Agoncillo.
Posible umanong crime of passion ang motibo sa pamamaril dahil sa mga nakitang text message ng pulis sa cell phone ng biktima tungkol sa kanyang girlfriend.