Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, BELLA GAMOTEA at MARIO B. CASAYURAN

Hiniling ng Malacañang kahapon sa mga Pilipino sa Guam at South Korea na makipag-ugnayan sa mga embahada ng Pilipinas para sa contingency plan sa harap ng mga banta ng North Korea na titirahin ng missile ang Guam.

Umapela si Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa mga Pinoy sa Guam at Korean Peninsula na makipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA).

“We ask all Filipinos in Guam and Korea and their families here to inform DFA or our consular officials of their whereabouts,” anang Abella sa Mindanao Hour press briefing kahapon.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sinabi ni Abella nitong Linggo na mahigpit na nakabantay sa sitwasyon ang Philippine Embassy sa Seoul, South Korea at ang Consulate General sa Agana, Guam.

BLUE ALERT

Itinaas ng konsulado sa Guam ang Blue Alert Level, mula sa dating White, bilang paghahanda sakaling ituloy ng North Korea ang banta nito laban sa teritoryo ng US sa Pacific.

Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pirmado na nito ang rekomendasyon ni Philippine Consul General Marciano de Borja para sa pagbabago ng alerto at ilalatag na contingency plan para sa 43,000 Pilipino sa Guam sa oras na lumala ang sitwasyon.

Nakahanda na ang 24-oras na chartered flight para sa mga lilikas na kababayan mula Guam patungong Manila.

Pinaghahanda rin ang mga Pilipino sa Guam ng first aid kit, damit, pagkain, tubig at iba pang mahahalagang dokumento.

CRISIS FUND

Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Ralph G. Recto kahapon na bigyan ng “quick reaction fund” ang lahat ng embahada ng Pilipinas sa conflict-threatened countries upang mabilis na mailayo sa kapahamakan ang mga Pilipino.

“Our foreign posts must be given the capacity to make the arrangements. Hindi lang hanggang plano at advisories,’’ diin ni Recto.

Nanawagan siya ng paglikha ng “contingency fund” sa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA) para magamit ng mga embahada kung saan may banta ng digmaan o mataas ang karahasan.