Ni: Liezle Basa Inigo
Isang barangay chairman sa bayan ng Enrile sa Cagayan ang nadakip sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).
Kinilala ni Chief Insp. Edwin Aragon, hepe ng Enrile Police, ang dinakip na si Gilbert Callangan, 49, incumbent chairman ng Barangay 2, Enrile.
Ayon naman kay PO3 Abner Accad, isang drug surrenderer ang suspek at nabunyag na nagpapatuloy ang operasyon nito matapos mahuli nitong Linggo, dakong 7:00 ng gabi, sa Bgy. 2.
Napag-alaman na mismong mga taga-PDEA ang matiyagang nagmatyag sa ilegal na aktibidad ng suspek.
Dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa suspek, gayundin ang P1,000 marked money.
Nabatid na mismong ang mga unang nahuli sa droga ang nagbunyag na kay Chairman umano sila kumukuha ng shabu.