Ni: Leandro Alborote
CONCEPCION, Tarlac – Nilusob at pinagraratrat ng isang grupo ng armado ang apat na residente sa Barangay San Nicolas Balas, Concepcion, kung saan dalawa ang napatay, kahapon ng umaga.
Sa ulat ni PO2 Jose Dayrit Baluyut III, kinilala ang mga napatay na sina Jaime Baquing, 58, may-asawa; at Chody Baquing, 35, ng nasabing barangay.
Napuruhan naman sina Rustico Sevilla, 76, ng Bgy. Telabangca; at Marcelo Marcelo, 63, may-asawa, ng Bgy. Luisa, Magalang, Pampanga.
Una rito, narinig umano ng katiwalang si Frederick Mungcal, 34, ng Bgy. Sto. Rosario, na kinausap ng mga armado, sakay ng Hi-Ace Van (ADJ-2035), ang mga suspek na nagtatanong tungkol sa pagbili ng buhangin nang biglang pinagbabaril ng mga ito ang mga biktima.
Nabaril ng pulisya ang suspek na si Bernard Nucup, 21, ng Bgy. San Francisco, at naaresto si Hernan Galang, 24, ng Bgy. Mabato-bato, na mastermind umano sa pamamaslang. Nakatakas naman ang isa pang kasabwat ng mga suspek.
Nakarekober ang pulisya ng 11 basyo ng bala ng .45 caliber pistol at metallic fragment sa lugar ng insidente.