IPINADAMA nina top seeds Adrian Yulo at David Ancheta ang katatagan nang walisin ang unang anim na laro para makopo ang solong pangunguna sa kani-kanilang division sa Sell National Youth Active Chess Championships Northern Mindanao leg nitong Sabado sa SM City-Cagayan de Oro.

Giniba ni Yulo sina Jeshryl Abay-Abay, Althea Borres, Rafael Calingin, Christian Aquino at Grant Capilitan bago namayani ang pambato ng Xavier U High School kay No. 2 Joy Baclayon para sa solong liderato sa juniors division ng three-category event na itinataguyod ng Pilipinas Shell.

Pinantayan ni Ancheta ang six-point output ni Yulo sa kiddies event matapos magwagi kina Maxine Granido, Ridge Fernandez, James Cadavos, Jean Acebes, Aireen Noblijas at Joseph dela Rama para sa kalahating puntos na bentahe kina second seed Prince Mella ng Anahaway ES at Lance Magloyuan ng Corpus.

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

Magkasosyo naman sa liderato sa seniors class sina top seed Romeo Canino, No. 2 Ahmad Ali Azote at ninth-ranked Emmanuel Acierto tangan ang tig-limang puntos, kalahating puntos ang bentahe kay Arden Biad.

Umabot sa kabuuang 300 players ang sumabak sa third leg ng five-stage circuit ng torneo na nasa ika-25 edisyon. Pinangasiwaan ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ang opening ceremony ng tornei na may basbas ng National Chess Federation of the Philippines.

Ang dalawang mangungunang player sa bawat kategorya kasama ang mangungunang babaeng player ang uusad sa national Finals na nakatakda sa Oktubre 7-8 sa MOA sa Pasay City. Suportado ang torneo ng Shell V-Power, Shell Advance, Shell Rimula, Shell Helix, Shell Fuel Save, at Shell Card sa pakikipagtulungan ng SM Supermalls.