Ni: Fer Taboy
Sampung pulis ang nagsisilbing protektor ng mga Parojinog at sangkot sa mga pagpatay sa mga kalaban nila sa kalakaran ng ilegal na droga sa Ozamiz City, ayon sa hepe ng pulis sa naturang lungsod.
Ayon kay Chief Insp. Jovie Espenido, hawak na niya ang impormasyon na dumadawit sa mga pulis na malapit sa mga Parojinog, ngunit wala pa siyang karapatan upang isapubliko ang kanilang mga pangalan.
Ayon kay Espenido, ilan sa mga pulis ay nasa aktibong serbisyo at ang iba ay matagal nang sinibak sa puwesto.
Ipinahayag kamakailan ng Pangulong Duterte, sa harap ng matataas na opisyal ng kapulisan, na may P2 milyong pabuya ang makapagtuturo sa mga pulis na inaatasan ng mga Parojinog para pumatay.
Sinabi ni Espenido na malaking tulong ang pabuya upang mapadali ang pagdakip sa mga pulis.