Ni: Bert de Guzman

NASASANGKOT din ngayon ang pangalan ng anak ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, sa drug smuggling at kurapsiyon sa Bureau of Customs (BoC) na iniimbestigahan ngayon ng Kamara. Sinabi ni Quirino Rep. Dakila Cua, chairman ng House committee on ways and means, nabanggit ni importer-witness (broker) Mark Taguba si VM Duterte sa 12-hour marathon hearing tungkol sa isyu ng pagkakapuslit ng P6.4-bilyong shabu sa BoC.

Nagpahayag ang bise-alkalde na hindi niya papatulan ang “mga kasinungalingan” ni Taguba kaya hindi siya magbibigay ng paliwanag.

Noong panahon ng kampanya sa 2016 election at nitong nahalal siyang pangulo, tandisang sinabi ni Mano Digong na kahit sa munting kibot o ihip ng eskandalo o kurapsiyon o sa English ay “even just a whiff” ng eskandalo na sangkot ang sino mang miyembro ng kanyang pamilya, siya ay magbibitiw. Binantaan din niya ang mga puno at hepe ng mga departamento at ahensiya ng pamahalaan na sisibakin sila agad “in just a whiff of scandal or corruption.” Totohanin kaya ito ni PRRD ngayong isinangkot ang anak na si Paolo sa drug smuggling at katiwalian sa BoC?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Badya ni VM Duterte: “Taguba admitted that his testimony against me was based entirely on rumors. Why would we entertain or believe in hearsay? One does not dignify lies with response.” Ayon kay Cua, pagpapaliwanagin nila si Taguba tungkol dito at kung ano ang kanyang basehan sa pagsasangkot kay VM Duterte. Kung may “solid basis” si Taguba, iimbitahan nila ang anak ng Pangulo. Habang isinusulat ko ito, hindi pa alam kung natuloy ang pagtestigo uli ni Taguba.

Sinabi naman ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, na sa kanilang pagtatanong kay Taguba, na ilan sa nanunuhol (tara) sa Customs ay binanggit si VM Duterte, na sila ay nangongolekta ng pera para sa anak ng Pangulo. “The witness told us that some of those he claimed to have bribed in Customs dropped the name of Vice Mayor Duterte, that they were collecting money for the president’s son,” sabi ni Barbers sa mga reporter. Sinabihan siya ni Barbers na ito ay isang tsismis lang kaya dapat mag-ingat sa pagtuturo at pagdadawit sa kung sinu-sinong tao.

May nagtatanong kung totohanin ni Pres. Rody na sisibakin ang sino mang puno ng departamento at ahensiya sa munting kibot ng eskandalo o kurapsiyon (just a whiff), eh bakit hanggang ngayon ay nasa puwesto pa si DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II gayong ang kanyang mga tauhan sa Bureau of Immigration ay sangkot sa umano’y anomalya ni casino on-line operator Jack Lam. Na dalawa sa Immigration officer ay may bitbit pang mga bag na may lamang P50 milyong umano’y suhol. Na unang binanggit ni Aguirre na siya’y tinangka ring suhulan. Hindi ba sinibak na ni PRRD sina Sec. Mike Sueno sa DILG at NIA administrator Peter Lavina dahil lang sa banggit na sangkot sila sa kurapsiyon?

Inamin ni PDu30 na walang pondo para sa libreng matrikula para sa mga estudyante sa mahigit 100 State Universities and Colleges (SUCs). Maghahanap pa raw ng pera. Sa ngayon, naghahagilap si House appropriations committee chairman Rep. Karlo Nograles ng pondo para sa free tuition. Kontra sa free tuition ang economic managers ni PRRD. Siyanga pala, natupad na ba ang pangako ni PRRD na doblehin ang sahod ng mga pulis at kawal?

Buwan ng Wika ngayon. Sana naman ay huwag maliitin ang mga journalist o indibiduwal na sumusulat, nagsasalita at gumagamit ng Wikang Filipino. May mga tao kasing nagtuturing na inferior o mababa ang antas ng mga manunulat at reporter na gumagamit ng Wikang Pambansa (lalo na ng Tagalog) kumpara sa mga journalist na sumusulat sa English. Sa totoo lang, gahol din sa tamang grammar, tenses, preposition at syntax ang nagkukunwaring magagaling sa English.

Nakalulungkot na hindi naman sila expert sa English ay salat at kulang din ang kaalaman sa Wika.