Ni: Celo Lagmay

NANG ipahiwatig ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi malulutas ang talamak na illegal drugs sa panahon ng kanyang panunungkulan, nahiwatigan ko rin ang kanyang mistulang pagsuko sa naturang problema. Subalit kasabay naman ito ng aking paniniwala na hindi siya titigil sa pagpuksa sa salot na kasing-tanda na ng panahon hanggang hindi nalilipol ang pinakahuling sugapa at drug lord sa bansa.

Ang walang puknat na “I will kill you, I will kill you” na halos ipagsigawan ng Pangulo ay patunay ng kanyang matinding determinasyon na lumikha ng drug-free Philippines. Nakakikilabot ang kanyang babala sa sinumang may kaugnayan sa illegal drugs, lalo na sa mga narco-politicians na sinasabing pasimuno sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga drug lords sa pagpapalaganap ng shabu sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Mahigpit din ang kanyang babala sa mga alagad ng batas, lalo na sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na hanggang ngayon ay kasabwat pa ng mga user at pusher. Kamakailan lamang, halimbawa, tiniyak ng Pangulo ang pagbibigay ng dalawang milyong pisong pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga pulis na kasabwat ng pamilya Parojinog sa laganap na drug trade sa Ozamiz City. Mahigpit din ang kanyang babala sa mga opisyal ng local government units, lalo na sa liderato ng mga barangay na makipagtulungan sa pagpuksa ng bawal na gamot. Makatuturan ang kanilang misyon lalo na nga kung iisipin na 92 porsiyento ng mga barangay sa bansa ay talamak sa droga at iba pang bisyo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa bahaging ito, marapat ding pairalin ng Pangulo ang kanyang matinding galit sa mga tanggapan ng gobyerno na manhid sa pagsugpo ng illegal drugs. Kailangan niyang maging mabagsik sa paglipol ng katiwalian sa Bureau of Customs (BoC) na talamak hindi lamang sa meat, onion at garlic smuggling kundi, higit sa lahat, sa shabu.

Hindi pa maliwanag kung hanggang saan hahantong ang pasensiya ng Pangulo sa bulok na pamamalakad sa BoC na nagkataong pinamumunuan ni Nicanor Faeldon. Hindi sapat na maghain ng courtesy ang sinasabing mga kasangkot sa bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu na nakalusot sa naturang tanggapan.

Kung ang pagsibak sa mga opisyal ng iba’t ibang tanggapan ay nagawa ng Pangulo, hindi kaya niya ito magagawa sa BoC?

Kaugnay ng paglipol ng mga kurapsiyon at illegal drugs, nakaukit pa sa aking utak ang minsang ipinahayag ni PNP Director General Ronald dela Rosa: Walang humpay ang ‘pagpapatahimik’ sa mga sangkot sa droga at narco politics.

Bahagi ito ng paglutas sa naturang problema na hindi man lamang napagtuunan ng nakalipas na mga administrasyon – problema na kasing-tanda ng panahon.