Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Inihayag ng Commission on Higher Education (CHED) kahapon na inalis na nito ang ban sa off-campus activities, partikular sa mga field trip, sa higher education institutions (HEIs) na ipinataw noong Pebrero.
Ibinaba ng CHED ang limang buwang pagbabawal sa mga field trip matapos ang trahedya sa Tanay na ikinamatay ng 15 estudyante at ikinasugat ng 40 iba pa mula sa Bestlink College of the Philippines sa Novaliches, Quezon City noong Pebrero.
Sinabi ni CHED Commissioner Prospero de Vera III, sa Palace press briefing kahapon ng umaga, na kinonsulta rin nila ang iba’t ibang stakeholders para magbalangkas ng mga bagong panuntunan na sasakop hindi lamang sa mga field trip kundi sa lahat ng mga aktibidad sa labas ng eskuwelahan.
Kabilang sa stakeholders ang mga departamento ng Interior and Local Government (DILG), at Tourism (DOT); Land Transportation Office (LTO), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)
“We’ve expanded the coverage of the circular of the Commission not only for field trips but all other activities that involve students when they leave their schools,” anang De Vera.
“This includes not just field trips but students who go on competitions outside their school, when they attend conferences and symposia, when they do immersion programs, when they go on sports activities,” dugtong niya.
Ayon kay De Vera, hinigpitan din nila ang regulasyon sa lahat ng off-campus activities sa bagong CHED Memorandum Order No. 63 na sinasakop ang lahat ng pampubliko at pribadong higher education institutions.
Oobligahin na ngayon ng ahensiya ang mga unibersidad na magkaroon ng insurance para sa mga estudyante; suriin ang registration, insurance, franchise, at road-worthiness ng mga sasakyan na gagamitin sa transportasyon ng mga estudyante; at makipag-ugnayan sa local government units.
Kailangan din ang written consent ng mga magulang, at medical clearance para sa mga estudyante na sasama sa field trip at iba pang aktibidad sa labas ng eskuwelahan upang matiyak na nagkakaloob ang mga unibersidad ng alternatibong aktibidad sa mga estudyanteng hindi makakasama sa mga aktibidad sa labas ng eskuwelahan.