NI: Bert de Guzman

ISANG Katolikong bansa ang Pilipinas. Kasama sa 10 Utos ng Diyos ang “Huwag Magnakaw.” Turo rin ito ni Kristo.

Gayunman, nakapagtatakang hindi ito sinusunod ng maraming Pilipino. Talamak pa rin ang pagnanakaw at kurapsiyon sa loob at labas ng pamahalaan at ng lipunan. Sa Bureau of Customs (BoC), umaabot daw sa P270 milyon ang “tara” o padulas na tinatanggap ng tiwaling Customs officials at mga kawani araw-araw para palusutin ang mga kargamento.

Maging janitor daw sa BoC ay nagiging milyonaryo, may mga kotse at malalaking bahay. Tandaan ang Utos: Huwag kang magnakaw!

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa Kongreso na itinuturing na lugar o “tirahan” ng umano’y mga Kagalang-Galang, laganap din ang pandarambong sa yaman ng bansa, sa buwis nina Juan dela, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera. Bilyun-bilyong piso ang nakurakot ng mga mambabatas (senador at kongresista) mula sa kanilang pork barrel (PDAF) sa tulong ni Queen Janet Lim-Napoles. Milyun-milyong piso rin ang nadambong nila sa DAP (disbursement acceleration program) nina ex-Pres. Noynoy at ex-Budget Sec. Butch Abad. Ilang milyon nga ang ibinigay sa mga senador para ma-impeach si SC Chief Justice Renato Corona? Magsalita kayo mga Kagulang-Gulang.

Kung si ex-Pres. Marcos ang itinuturing na “Pambansang Magnanakaw”, sinabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko na dumarami na rin ngayon ang mga “Pambansang Magnanakaw” mula sa Kamara at Senador, BoC at iba pang sangay ng gobyerno. Aling tanggapan daw, tanong niya, ang walang bahid ng kurapsiyon: BIR, LTO, LTFRB, PNP, AFP atbp.

Katolikong bansa nga raw ba tayo o Bansa ng Mga Magnanakaw? Matalim at masakit ang tanong na ito ng isang magsasaka na nakausap ko minsang umuwi ako sa San Miguel, Bulacan. Ang magsasakang ito ay tapos ng high school at nagbabasa ng Balita, habang nagdurusa sa hirap at pagbubungkal ng lupa ang mga magsasaka, nanghuhuli ng isda ang mga mangingisda, nagpapatulo ng pawis ang mga manggagawa, naka-amerikano at naka-barong-tagalog naman ang mga pinuno ng gobyerno at mambabatas sa air-conditioned rooms at nag-iimbestiga sa mga kabulastugan sa iba’t ibang ahensiya. Eh, kayo ba hindi bulastog?

Habang nagdidildil ng asin at kumain-na-dili ang maraming Pinoy, santambak (hindi sandamakmak) na masasarap na pagkain ang binabanatan ng tiwaling mga opisyal ng gobyerno---mula sa Sangay ng Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura.

Dahan-dahan kayo sa paglunok at baka mabilaukan kayo o kaya naman ay atakehin sa puso. Magtrabaho kayo at maglingkod sa taumbayan, hindi yung pagkatapos ng eleksiyon at nahalal o kaya’y nahirang sa magandang puwesto, ay nagiging mga amo kayo sa halip na pagserbisyuhan ang mamamayan.

Bukod sa nakasusulasok na smuggling at palusutan sa BoC, may bagong eskandalo na lumutang ngayon. Tungkol umano ito sa... tagong yaman (hidden wealth) ni Comelec Chairman Andres Bautista. Ang nag-aakusa sa kanya ay ang asawang si Patricia. Nakipagpulong si Mang Andres kay Mang Digong (Pres. Duterte) noong Agosto 1, kasama ang kapatid na si Susan, mother-in-law na si Baby Cruz at step-father-in-law Danny Vasquez. Itinanggi ni Mang Andres ang akusasyon ni Patricia na may hidden wealth siya na hindi isinama sa SALN. Sinabi rin niya kay PRRD na handa siyang magbitiw kung siya ay pabigat sa Comelec.

Humirit na naman ang senior-jogger na si Asyong Marcelo ng Maybunga, Pasig City. Kung si Manny Pacquiao raw ay sinasabing Pambansang Kamao at ang manok ng Magnolia ang sinasabing Pambansang Manok, hindi na raw SIPA ang Pambansang Laro ngayon ng ‘Pinas. Ito ay pinalitan na raw ng Pambansang Pagnanakaw. Larong nakawan sa Kongreso, BoC, BIR, LTO, LTFRB, PNP, AFP at iba pang ahensiya ng pamahalaan.