Nina Leonel Abasola at Rey Panaligan
Sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng P6.4-bilyon halaga ng shabu na naipuslit sa bansa, si Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon ang itinuturong responsable sa isyu.
Pinaniniwalaan din na tatlo na ang “cylinder”, na may halong shabu, na nakapasok sa bansa na ang isa ay nasamsam sa Valenzuela City noong Mayo matapos ituro ng Chinese government.
Sa pagtatanong ni Senator Sonny Angara kay Deputy Commissioner Gerardo Gambala, inamin ng huli na kung pag-uusapan ang “command responsibility”, totoong may pananagutan si Faeldon.
“As far as command responsibility is concern meron po si Com (Faeldon),” tugon ni Gambala kay Angara.
Hindi nakadalo si Faeldon sa pagdinig kahapon dahil umano sa “heart problem”. Hindi rin nakadalo ang BoC chief sa pagdinig nitong Martes dahil naman sa problema sa ngipin.
Samantala, sinabi kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na maaaring ilagay ng Department of Justice (DoJ) si Mark Taguba, ang nagsiwalat sa umano’y kurapsiyon sa BoC, sa witness protection program (WPP).
Hindi kinumpirma ni Aguirre kung hiniling ni Taguba ang WPP coverage.
Sinabi niya na pag-aaralan ito ng kanyang tanggapan.
“I believe there is basis for him to apply for WPP. But, of course, in order to do that, we have to assess his qualifications,” diin ni Aguirre.