Ni: Betheena Kae Unite

Nagbitiw na sa puwesto kahapon si Bureau of Customs (BoC) Imports Assessment Service Director Milo Maestrecampo matapos siyang pangalanan sa pagdinig ng Kamara nitong Lunes bilang isa sa mga opisyal ng kawanihan na umano’y sangkot sa kurapsiyon o tumanggap ng “tara”.

Lumiham kahapon si Maestrecampo kay Pangulong Duterte upang magbitiw sa puwesto at nagpahayag ng kahandaang sumailalim sa imbestigasyon.

“In order to fight for my honor and integrity and in the name of ‘delicadeza’, I hereby tender my resignation and submit to investigations in order to clear my name,” saad sa liham ni Maestrecampo.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa pagdinig sa Kamara nitong Lunes tungkol sa P6.4-bilyon shabu shipment mula sa China kaugnay ng akusasyon sa kurapsiyon sa BoC, isa si Maestrecampo sa mga itinuro ng Customs broker na si Mark Taguba bilang isa sa mga opisyal na tumatanggap umano ng suhol para sa mas mabilis na paglalabas sa mga kargamento.

Kaagad namang itinanggi ni Maestrecampo ang paratang. Aniya, “I am a rebel but I’m not a thief.” Idinagdag niyang kaagad siyang magbibitiw sa tungkulin.

Tinawag naman ni Customs Investigation and Intelligence Service (CIIS) Chief Neil Estrella si Taguba na “polluted” witness, matapos na makabilang din siya sa mga pinangalanan ng huli sa pagtanggap umano ng suhol.

“Puwede ba naman ‘yun na basta na lang magtuturo on televised hearing, tapos wala namang hawak na ebidensiya? It was so unfair. Kahit sinong tao hindi papayag ng ganoon,” ani Estrella.

Bukod kina Maestrecampo at Estrella, tinukoy din ni Taguba na tumanggap umano ng suhol ang 11 pang indibiduwal.