ni Bert De Guzman
NAKATIKIM ng mura (hindi nga lang (pu... ina) si ex-Pres. Noynoy Aquino (ex-PNoy) nang maliitin niya ang kampanya laban sa droga ni President Rodrigo Roa Duterte. “Gago ka pala,” sabi ni Mano Digong kay ex-PNoy nang magtalumpati sa ika-113 anibersaryo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon City. “Buang ka. Puputulan (pupugutan) kita ng ulo ‘pag pumasok ka PNoy sa droga,” dagdag ng palamurang Presidente.
Nagalit si PDU30 sa dating pangulo dahil sa pasaring at kantiyaw nito na hindi naman naging epektibo ang drug war ni Pres. Rody sa illegal drugs. Ayon kay ex-PNoy, noong 2015, may 1.8 milyong drug users sa Pilipinas. Sa pagtatapos daw ng 2016 (panahon na ni Digong), nanatiling 1.8 milyon ang drug users. “It seems nothing happened,” kantiyaw ng dating presidente.
Tugon ni Mano Digong: “Ang sabi ni PNoy para raw walang nangyari sa anti-drug campaign. Subukan mong pumasok sa droga PNoy, at puputulan kita ng ulo. Gago ka pala, Bakit sinasabi mong walang nangyari”. Marahil ay ngayon lang nakatikim ang hacienderong si ex-PNoy ng mura mula sa isang tao lalo at iisiping siya ay ipinanganak “with a silver spoon” ‘ika nga. Marahil ay hindi siya nakatikim ng mura o salitang gago mula sa kanyang mga magulang na sina ex-Pres. Cory Aquino at ex-Sen. Ninoy Aquino.
Sinabi ni presidential spokesman Ernesto Abella na sa drug war ni PDU30, nagbunga ito sa pagsuko ng 1.3 milyong drug users. May 96,703 drug suspects ang naaresto sa unang taon ng kampanya kumpara sa 77,810 na nadakip sa loob ng 6 taong termino ni ex-PNoy. Sinabi ni PRRD na 3,045 kilo lang ng shabu ang nakumpiska sa loob ng anim na taon ni ex-PNoy kumpara sa 3,000kg ng shabu na nasamsam ng kanyang administrasyon sa loob lang ng isang taon.
Hindi lang si Noynoy ang nakatikim ng mura kay Digong sa okasyon ng BIR. Minura rin niya ang mga police official at ang aide ni Mar Roxas na umano’y sangkot sa droga. “No. 1 is your protege, Gen. Loot, that fool”. Si Vicente Loot, ex-PNP Chief Supt, ay dating police director sa Eastern Visayas, at ngayon ay mayor ng Daanbantayan, Cebu. Siya raw ay “bata” ni Roxas. Minura rin niya si North Korean Leader Kim Jong-un dahil sa pagsusulong nito ng nuclear program at patuloy na pag-eeksperimento sa international ballistic missiles na ang target ay ang US at mga kaalyadong bansa, partikular ang South Korea at ang Japan.
Tinawag niya si Kim Jong-un bilang isang “tabatsoy” na lider ng North Korea na ginagawang laruan ang mapaminsalang ballistic missiles na ang target ay mga kalaban. Tungkol naman sa banta niyang bubuwagin ang Commission on Human Rights (CHR), nagbibiro lang daw siya nang sabihin niyang bubuwagin ito. Kailangan daw ang aksiyon ng Kongreso para mabuwag ito. Sinabi rin niyang nagbibiro lang siya nang ihayag niya na hindi dapat humarap ang mga pulis at sundalo sa Office of the Ombudsman para imbestigahan nang wala siyang permiso. Sana ay hindi nagbibiro si Mano Digong nang tawagin niyang “gago” at “buang” si ex-PNoy. Baka ‘pag tinatawagan siya ni Kris Aquino, sasabihin niyang “nagbibiro lang ako.”
Ginisa sa Kamara si Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon sanhi ng P6.4 bilyong shabu na naipuslit sa BoC at natagpuan sa isang bodega sa Valenzuela City. Pinagbibitiw siya ng mga kongresista dahil sa kapabayaan at kawalang-kakayahan. Gayunman, may kumpiyansa pa raw ang Pangulo sa kanya.
Binuweltahan sila ni Faeldon at sinabihang “Shame on You.” Ang mga mambabatas daw ang nakahihiya sapagkat sila ang lumilikha ng “culture of corruption” sa ahensiya. Tinatangka raw ng mga kongresista na impluwensiyahan ang appointment at assigment ng mga kawani sa BoC. “They want me to influence the promotion board so that their people here would be promoted.”
Aba, sino ngayon ang “imbecile” na gumagawa ng kurapsiyon sa mga tanggapan ng gobyerno?