Pinaghahanap ngayon ng awtoridad ang 16-anyos na lalaki na namaril ng kaaway sa Marikina City kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si “Aps”, taga-Barangay Nangka ng nasabing lungsod.
Si Aps ang itinuturong bumaril kay Kervin James Abayon, 20, ng nasabi ring barangay.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), sa hindi pa batid na dahilan ay nagtalo ang suspek at ang biktima sa Del Court, Kabayani Road, sa Bgy. Nangka, bandang 12:10 ng tanghali.
Sa kasagsagan ng pagtatalo ay biglang bumunot ng pen gun si Aps at binaril sa mukha si Abayon.
Narekober sa pinangyarihan ang pen gun, matapos mabitawan ng suspek sa pagmamadaling tumakas. - Mary Ann Santiago