Ni: Beth Camia

Naihain na sa korte ang mga kasong kriminal laban sa magkapatid na Parojinog na naaresto sa madugong operasyon ng pulisya sa compound ng pamilya sa Ozamiz City, nitong Linggo ng madaling araw.

Inihain sa Regional Trial Court ng Ozamiz City ang mga kasong illegal possession of firearms and ammunition laban kina Ozamiz Vice Mayor Princess Nova Parojinog-Echavez at Reynaldo Parojinog, Jr..

Sinampahan din sila ng kasong possession of dangerous drugs, na paglabag sa Section 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165).

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Karagdagang reklamo namang illegal possession of explosives ang inihain laban kay Reynaldo Jr.

Isinampa ang kaso sa korte nang magpasya ang Department of Justice (DoJ) na may probable cause ang reklamo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sunod namang itatakda ang pag-raffle sa kaso para matukoy kung sinong hukom ang hahawak sa mga ito.

Bagamat lagpas na sa reglamentary period na 36 oras ang pagsailalim sa magkapatid na Parojinog sa inquest proceedings, pinaboran ng DoJ ang dahilan ng PNP-CIDG na nagsabing ang pagkaantala ay bunsod ng isyu ng transportasyon at seguridad, dahil kinailangan pang ibiyahe ang magkapatid patungo sa Maynila mula sa Ozamiz.

Kaugnay nito, isinailalim na ng DoJ sa immigration lookout bulletin ang kapatid ng napaslang na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Jr.

Sa tatlong pahinang memorandum na pirmado ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, partikular na inilagay sa lookout bulletin si Ozamiz Councilor Ricardo Parojinog, alyas Arthur Parojinog.

Nabatid na wala ang konsehal nang isagawa ang raid sa compound ng mga Parojinog, na ikinasawi ng 16 na katao kabilang ang alkalde at kapatid nitong board member na si Octavio Parojinog.