Nina Francis T. Wakefield at Chito A. Chavez

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na mapapanagot ang mga pulis na nanguna sa operasyon na nagresulta sa pagkamatay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr. at 14 na iba pa kung mapatutunayang nilabag ng mga ito ang mga patakaran sa pagpapatupad ng mga search warrant.

Sa panayam sa kanya ng Radyo ng Bayan, sinabi ni dela Rosa na mismong ang Internal Affairs Office (IAS) ng PNP ang mangunguna sa imbestigasyon.

Sinabi ni dela Rosa na kapag napatunayang nagkaroon ng kapalpakan o kapabayaan ang mga pulis na nagpatupad ng mga search warrant, mahaharap ang mga ito sa suspensiyon.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“But that’s part of the procedure. They (IAS) need to do that (investigate) if there is death involving firearms during police operations. Motu Propio IAS should investigate it,” ani dela Rosa, at nilinaw na hindi pa nasususpinde sa ngayon ang mga pulis sa Ozamiz raid—na pinanindigan niyang isang “legit operation”.

Kaugnay nito, nagsimula nang magsagawa ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) sa insidente upang matukoy kung naipatupad nang maayos ang pagsisilbi ng search warrant at walang nangyaring pag-abuso sa operasyon.

Sinabi naman ni Human Rights Watch (HRW) na posibleng may mga nangyari na namang pag-abuso sa Ozamiz raid.

Kinuwestiyon ni Phelim Kine, deputy director ng Asia Division of Human Rights Watch (HRW), kung totoong may nangyaring engkuwentro sa operasyon, sa gitna ng iginigiit ng mga kapitbahay na massacre at hindi bakbakan ang nangyari sa loob ng bahay ng mga Parojinog.

Samantala, sinabi naman ni dating police chief superintendent at ngayon ay Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot na hindi siya natatakot para sa sarili niyang seguridad, kasunod ng nangyari kay Mayor Parojinog—na gaya ni Loot ay nasa “narco-list” ni Pangulong Duterte.

Giit ni Loot, matagal na siyang cleared sa nasabing listahan matapos niyang personal na linisin ang kanyang pangalan sa usapin ng droga, hindi maipaliwanag na yaman at kabiguang maipatupad ang kampanya kontra droga.

May ulat ni Fer Taboy