NI: Bella Gamotea

Tinangay ng mga kawatan ang baril, pera at mamahaling sapatos ng isang bagitong pulis sa Muntinlupa City, nitong Lunes ng hapon.

Nanlulumong dumulog sa tanggapan ng Muntinlupa City Police si PO1 Schwarzkopf y Martinez, 29, miyembro ng Philippine National Police na nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion (RPSB), National Capital Region Police Office (NCRPO), at nakatira sa Country Homes Subdivision, Barangay Putatan ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nadiskubre ni Schwarzkopf ang panloloob sa kanyang bahay, bandang 1:00 ng hapon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ayon kay Schwarzkopf, umalis ang kanyang magulang at walang naiwang tao sa kanilang bahay.

Pag-uwi ng tatay ni Schwarzkopf, tumambad ang magulo at nagkalat nilang gamit hanggang sa nadiskubreng sinira ang kahoy na pintuan sa likuran ng kanilang bahay at agad na ipinaalam ang insidente sa bagitong pulis.

Sa ocular investigation, nakumpirmang nawawala ang baril ni Schwarzkopf at tatlong magazine na may bala, P10,000 cash at isang pares na Nike Jordan rubber shoes na nagkakahalaga ng 6,000.