Ni: Rizaldy Comanda
CAMP DANGWA, Benguet - Dalawang minero ang iniulat na namatay dahil sa gas poisoning sa loob ng mine tunnel sa Itogon, Benguet nitong Lunes, ayon sa ulat ng Benguet Police Provincial Office (BPPO).
Kinilala ni Senior Supt. Florante Camuyot, BPPO director, ang mga biktimang si Robert Binay-an Gorteza, 28; at pinsang si Anthony Gorteza Salas, 30, kapwa tubong Bagulin, La Union, at taga-Mill Site, Barangay Gumatdang, Itogon.
Batay sa imbestigasyon ng Itogon Municipal Police, malakas ang ulan nang pumasok si Gorteza sa pag-aaring mine tunnel dakong 8:00 ng umaga nitong Lunes para kunin ang kanilang mining equipment.
Nang hindi lumabas para mananghalian sinundan siya ni Salas ngunit hindi na rin nakalabas sa tunnel ang huli kaya naghinala na ang iba pang minero na baka na-trap ang mga ito hanggang sa makaamoy sila ng gas.