Ni: Fer Taboy, Leonel Abasola, at Hannah Torregoza

Matapos ang madugong pagsalakay sa bahay ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr. na ikinamatay ng alkalde, nagpahayag si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa na marami pang matitinding pagsalakay ang gagawin ng pulisya laban sa mga hinihinalang drug lord sa bansa.

“Marami pa. Marami pa, kaya hintay-hintay lang kayo,” sinabi ni dela Rosa sa mga mamamahayag sa press conference sa Camp Crame sa Quezon City, nang tanungin kung sino pa ang isusunod kay Parojinog.

Kasabay nito, binalaan ni dela Rosa ang mga “narco-politician” na nasa narco-list ni Pangulong Duterte na sumuko na.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Upang maging makatarungan sa mga taong ito, dapat itong magsilbing babala sa lahat na ang PNP ay walang sinasanto pagdating sa pagpapatupad ng batas. Sa pagpapatupad ng batas, wala tayong takot o pabor,” ani dela Rosa.

Bukod sa alkalde, 14 na iba pa ang napatay sa serye ng pagsalakay sa Barangay San Roque sa Ozamiz City bandang 2:30 ng umaga nitong Linggo, makaraan umanong manlaban ang grupo ng opisyal.

MGA PAROJINOG SA CRAME

Kabilang din sa mga napatay ang misis at board member na nakababatang kapatid ng alkalde, habang naaresto naman ang anak na si Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Eschavez at kapatid nitong si Reynaldo Parojinog, Jr.

Dinala na kahapon ang magkapatid sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

“Kaya nga may nahuli tayo, kasi we are not meant to kill; ‘yung mga lumalaban lang... It erases the doubt of the lawyer na they are meant to be liquidated kasi if that’s really our intention, napatay na sana lahat. Si Madam Nova, wala na rin sana,” sabi ni CIDG chief Director Roel Obusan.

“We really intend to bring them to justice and for them to answer justice alive. Kaya lang ang nangyayari kung minsan, may laban, kasi sila ‘yung nag-maintain ng private army, and we were fired upon before entering the premises,” paliwanag pa ni Obusan.

NAGKATAON LANG?

Kinuwestiyon naman nina Senators Franklin Drilon at Francis Escudero ang nasabing operasyon, partikular ang pagsisilbi ng search o arrest warrant nang madaling araw, dahil “too much of a coincidence” umano ang nangyaring raid sa bahay ng mga Parojinog at pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob ng selda.

“Why are search warrants, served before dawn as in the cases of Mayor Espinosa and now, Mayor Parojinog, result in the deaths of the persons being searched? Both are tagged as drug lords. Too much of a coincidence?” saad sa text message ni Drilon.

Pinaalalahanan naman ni Escudero ang mga pulis laban sa pang-aabuso sa tungkulin, sinabing limang taon na lamang sa puwesto ang kasalukuyang administrasyon kaya “if they violate any of our existing laws, they would have to face it anyway after six years, in this case after five years. So, huwag silang masyadong mag-isip na protektado sila habambuhay”.

Pareho namang inaasahan ng dalawa na may kasamahan sila sa Senado na maghahain ng resolusyon upang imbestigahan ang insidente.