NI: Samuel P. Medenilla
Pansamantalang ini-exempt ng Professional Regulation Commission (PRC) ang mga professional, na nagtatrabaho sa ibang bansa, o naging biktkma ng kalamidad, sa pagsusumite ng Continuing Professional Development (CPD) units para makapag-renew ng kanilang professional Identification Cards.
Sa Memorandum Circular (MC) No. 07, Series of 2017, ipinagkakaloob ng PRC ang prebilehiyong ito sa mga professional, na maaaring hindi makakuha ng sapat na CPD units sa itinakdang panahon dahil sa “justifiable reasons” na tutukuyin ng Regional directors nito.
Kabilang sa justifiable reasons ang pagkakasakit, hindi inaasahang pangyayari (e.g. Martial Law declaration, bagyo, sunog, baha, atbp.), mga professional na nagtatrabaho sa ibang bansa, walang trabaho o kakulangang pinansiyal.
Sinabi ni PRC Commissioner Yolanda Reyes na ang qualified professionals ay dapat mag-fill up ng kinakailangang form at isumite sa CPD council, na binubuo ng PRC, professional boards, at iba pang stakeholders, para sa approval.
Sinabi niya na layunin ng hakbang na bigyan ng sapat na panahon ang mga nasabing professional na makasunod sa CPD requirement.
“If they lack the necessary (CPD) units, they could go through this undertaking and promise they will comply with it in the future,” sinabi ni Reyes sa isang panayam.