Ni ABIGAIL DAÑO

Karaniwan nang tumatama sa bansa ang 19 na bagyo kada taon. Kadalasan itong nagdadala ng malakas na hangin at tuluy-tuloy na pag-ulan na nagdudulot ng baha, pinsala sa mga pananim, pagguho ng lupa at istruktura, at maging kamatayan.

Kaugnay nito, nag-abiso ang Department of Health (DoH) tungkol sa panganib sa ating kalusugan na maaaring makuha sa baha. Ilan sa mga ito ay ang mga sakit na nagmumula sa maruming tubig, tulad ng typhoid fever, cholera, leptospirosis, at Hepatitis A, pati na rin ang malaria at dengue, na dulot naman ng kagat ng lamok.

Narito ang mga paalala upang maiwasan ang pagkakasakit ngayong madalas ang pag-uulan:

National

PCO, pinasalamatan Kamara sa pag-apruba ng ₱2.281B proposed budget sa 2025

*Siguruhin na ang iniinom na tubig ay nagmula sa malinis na daluyan, kung hindi naman ay maaaring pakuluin ito ng dalawang minuto o higit pa, o lagyan ng chlorine upang maging ligtas inumin.

*Ang ating mga kinakain ay dapat naluluto nang husto at ang mga tira ay siguruhing matatakpan nang maayos at mailalayo sa mga insekto sa tahanan. Ang mga napanis na pagkain ay dapat na kaagad itapon.

*Panatilihing tuyo ang suot na damit.

*Kumonsulta agad sa doktor kung makaramdam ng mga sintomas ng impeksiyon. Makatutulong ito upang maiwasang kumalat ang sakit sa evacuation areas. Kadalasang nakahahawa ang ubo at sipon, acute gastroenteritis, sakit sa balat at paningin, measles, dengue, leptospirosis, at Hepatitis A.

*Huwag papayagan ang kabataan na maglaro sa baha upang maiwasan ang pagkakasakit, tulad ng leptospirosis, na nakamamatay.

*Itapon nang maayos ang mga basura.

*Panatilihin ang kalinisan sa katawan, at laging maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain o gumamit ng palikuran.

*Unahin ang kaligtasan. Umiwas sa mga lugar na may nakabitin na kable ng kuryente at mga gusaling may mahihinang pundasyon.

Samantala, mahalagang makaiwas sa anumang trahedya sa panahon ng kalamidad. Mag-monitor ng balita tungkol sa lagay ng panahon habang naghahanda ng emergency kit.

Mabuti ring maging alerto sa mga bumabagsak na bagay, tulad ng bubong, sanga ng puno, at mga karatula. Kung nasa loob ng bahay, huwag lumapit sa mga bintana at alisin kaagad ang mga kakalat na bubog.

Tanggalin din sa saksakan ang lahat ng appliances sa kasagsagan ng bagyo, at huwag pupunta malapit sa tabing-ilog o baybayin.

Kung lilikas sa mataas na lugar sa gitna ng baha, magsuot ng matibay na head gear o helmet, at maging alerto sa mga bukas na imburnal o kanal.

Para sa anumang emergency, tumawag sa 911.