Ni: Clemen Bautista

BUWAN ng nasyonalismo ang Agosto sapagkat ginugunita ang mahahalagang pangyayaring naganap sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas; ating mga bayani na nagpamalas ng pagiging makabayan sa pamamagitan ng pagtatanggol sa Kalayaan na inagaw ng mga mapanakop at mapanupil na dayuhan. Tulad ng “Sigaw sa Pugad-Lawin” na simula ng Himagsikan, ang “Battle of Pinaglabanan”. Sa pagtatanggol sa Kalayaan, sakripisyo, dugo at buhay ang puhunan. Tuwing Agosto, ginugunita rin ang kaarawan ng ating mga bayani at mga naging pangulo ng Pilipinas. Ang kaarawan ni Pangulong Manuel Quezon, na kinikilalang “Ama ng Wikang Pambansa”; kaarawan ni Pangulong Ramon Magsaysay, na kinikilalang “Kampeon ng Masang Pilipino”; at ang kaarawan ni Marcelo H. del Pilar, na isa sa dakilang Propagandista, abogado at peryodista. Ang pagpaslang kay dating Senador Ninoy Aquino na isa sa naging mitsa ng EDSA Revolution noong Pebrero 22-25, 1986. At higit sa lahat, ang paggunita sa National Heroes Day o Araw ng mga Pambansang Bayani.

Bukod sa Buwan ng Nasyonalismo, tuwing Agosto rin ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika. Tulad ng dati, ang pagdiriwang ay pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na may mga inihandang aktibidad. May tema rin ang Buwan ng Wika na laging nakasentro sa pagpapakita ng kakayahan ng Pilipino bilang isang lahi na may dangal.

Sa nakalipas na panahon, ang pagpapahalaga sa wika ay isang linggo lamang. Ito ay tinawag na “Linggo ng Wika”. Ang pagdiriwang ay batay sa Presidential Proclamation No. 186 na nilagdaan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay noong Setyembre 23, 1955. Nagsisimula ang Linggo ng Wika tuwing Agosto 13 at nagtatapos ng Agosto 19 na kaarawan ni Pangulong Manuel L. Quezon. Sa paliwanag noon ni Pangulong Ramon Magsaysay, sinabi niya na ang tunay na nalalabi sa mga Pilipino ay ang magkaisa sa pagpapalaganap ng Wikang Pambansa. Ayon pa kay Pangulong Magsaysay, kung kailangan ang English, sa pakikipag-usap sa ibang bansa, mas lalong kailangan natin ang sariling wika upang ganap na magkaunawaan at magkaisa. Ngunit nang maging pangulo si Fidel V. Ramos, tulak ng pagiging makabayan at pagpapahalaga sa wikang pambansa, nilagdaan niya ang EO No. 1041 noong Hulyo 15, 1997. Nag-aatas na ang Agosto ay Buwan ng Wika at Nasyonalismo. Sa Proclamation No. 1041, kinilala ang kahalagahan ng isang katutubong wika bilang mahalagang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, pagkakaisa at pambansang pagkakakilanlan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kung ang musika ay sinasabing kaluluwa ng wika sapagkat sa pamamagitan ng iba’t ibang himig at awit ay naipadarama at naiparirinig ang iba’t ibang uri ng damdamin ng puso at kalooban, ang wika naman ay kaluluwa ng ating bansa. Ang wika ay hindi lamang nagsisilbing sangkap sa komunikasyon, kundi nagsisilbi ring pangunahing mekanismo na sa pamamagitan nito, ang landas sa buhay ng mga mamamayan ay napananatili. Ang wika ay buklod ng mamamayan sa pagkakaisa at isang mahalagang sangkap ng kultura sapagkat naitatala nito ang kasaysayan ng ating lahi. Lahat ng wika ay may katutubong yaman at katangian. Ang ikinadudukha ng wika ay ang ‘di pag-aaral at pagtanggap sapagkat binabalewala at minamaliit ng ilan nating kababayan at ng mga naglilingkod sa pamahalaan.

Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, napapanahon pa rin at hindi dapat limutin ang klasikong pahayag ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na “ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda”.