Ni REGGEE BONOAN
GUMAWA sina Derek Ramsay at Direk Brillante Mendoza ng mini-series sa TV5 titled Amo at abut-abot ang papuri ni Derek sa premyadong filmmaker dahil napatunayan niya na totoo pala ang lahat ng magagandang bagay na nababasa niya tungkol dito.
“There’s no one like him. I’ve never worked with anyone like him!” simulang sabi ni Derek. “The hype that I’ve heard about him before I work with him, lahat totoo and it was amazing experience to be able to work along with Direk. May mga eksena akong never kong makakalimutan like the last shot that we had for the last day, sabi ni Direk, ‘Oh, continuation ito nu’ng unang taping mo, hahabulin mo ‘yung runner-user.’
“So ‘yung camera nakalagay sa scooter, tumatakbo kami sa labas ng isang mall, may hawak akong baril, eh, alam nila mabilis talaga akong tumakbo, so takbo talaga ako, hindi ko alam may mga tunay na guwardiya na pala talaga. Akala nila isa akong taong may baril kaya hinahabol talaga nila ako around the mall.
“Until pinigil ako ng isa na akala ko tututukan o bubunutan ako ng baril, then he realized that it was me kaya pinabayaan na lang niya ako,” kuwento ng aktor sa launching ng Amo na mapapanood na simula sa Agosto 20, 9:30 PM.
Naikuwento rin ni Derek na inakala niyang katapusan na niya nu’ng mag-shoot sila sa masikip na daan sa Addition Hills, Mandaluyong City.
“It was may second day of taping at kinakabahan ako, medyo loss pa ako sa instruction ni Direk. ‘O, diyan sa eskinitang ‘yan sa Addition Hills naka-full police uniform ka, nakasumbrero’ at sabi niya, ‘kayong dalawang pulis tumakbo lang kayo diyan at ‘wag kayong titigil hangga’t hindi ninyo marinig ‘yung cut.
“Sabi ko, ‘asan ‘yung camera?’ Sagot ni Direk, ‘basta tumakbo ka lang diyan.’ Sa loob ako ng isang van, kaya pagbukas ng van, action na, takbo kami sa loob (eskinita) kaya nagkagulo na sila. ‘Yung mga tunay (na drug addict) siguro, nagkagulo na, sabi ko mapapatay yata ako dito.
“Wala pa namang laman ‘yung baril ko. Siguro mga three minutes akong tumatakbo, ang layo, habol-habol. At hindi ko nakita ‘yung camera, not once, then, nag-cut na si Direk.
“‘Buti na lang nag-ensayo ako sa Frisbee kaya nakatakbo ako ng matagal, kasi ‘yung dalawang pulis, hindi ko na nakita sa likod ko, talagang takot na takot ako kasi may mga sumisilip talaga.
“Eh, ikinuwento pa sa akin ng pulis na, ‘Kami nga hindi kami pumapasok dito dahil maraming sniper diyan.’ But you know, this is my job, you have to listen to his instruction and it turned out great.
“Again, not putting down any other directors but he is definitely in a class of his own why he’s different, so thank you very much for working with me,” nakangiting sabi ni Derek sabay tingin kay Direk Brillante.
Samantala, natagalan bago natapos ang Amo dahil parating wala sa Pilipinas ang aktor. Biro nga ng CEO/Presidente ng TV5 na si Coach Chot Reyes, hinintay nilang matapos mag-golf si Derek.
Natawa ang aktor sa narinig at nagpaliwanag na ang team nila ang naging representative ng Pilipinas sa World Championships of Beach Ultimate or Frisbee sa Boracay at France. Naka-4th place sila na ipinagpapasalamat na rin niya dahil umabot sa 30 bansa ang naglaban-laban.
“Nag-4th place kami sa buong mundo which is not bad out of 30 countries but talagang really disappointed kami kasi talagang pinaghirapan namin ‘yun. Sa golf competition, champion naman kami,” sabi ng aktor.
Kasama rin sa Amo sina Allen Dizon, Mara Lopez, Felix Roco, Archie Adamos, Apollo Abraham, Alvin Anson at ang discovery ni Direk Brillante na si Vince Rillon bilang ‘runner.’