HEMET, CALIFORNIA – Muling lumikha ng kasaysayan sa mundo ng softball ang Team Manila–Philippines nang agawan ng korona ang dating kampeon na Central Hemet Xplozion, 7 – 1, para makopo ang 2017 PONY International 18-U Girls Softball World Series crown sa Diamond Valley Park sa Valley-Wide Recreation District dito.
Pinangunahan ni pitcher Alma Tauli, ang 16-anyos na pambato ng Norzagaray, Bulacan, ang ratsada ng Pinay sa natipang limang strike out at anim na no run sa final inning tungo sa makasaysayang tagumpay sa torneo. Ito ang unang pagkakataon na isang koponan mula sa Soputheast Asia o sa buong Asya na nakapagkampeon sa pretihiyosong torneo.
Dominante ang simula ng Big City Softbelles sa pamamagitan nina Christine Bautista at designated player Shaina Camacho sa naiskor na dalawang run mula sa RBI ni right fielder Khrisha Cantor para makumpleto ang two-run hit play.
Walang kapantay naman ang homerun ng 18-anyos na si Nichole Padaas na nagbigay sa Filipinos ng 3-0 bentahe sa kalagitnaan ng second innings ng torneo. Suportado ang Team Manila nina dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada, International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI), Mike and Lilli Khan at Larry Sy ng Sunspring.
“The girls deserve the win because we were able to keep our composure and were not intimidated by the defending champions so our errors were limited,” sambit ni head coach Ana Santiago.
Ayon kay Manila Softball President Rafael “Che” Borromeo, inimbitahan ang Team Manila ng Philippine Consulate sa Los Angeles bilang parangal sa koponan.
“We express our heartfelt thanks to the Filipino community in South California for their support and hospitality, and also to Mayor Joseph Estrada and the ICTSI for their untiring support,” pahayag ni Borromeo.
Sinabi naman nina Rodolfo Tingzon Sr., founder ng PONY sa Philippines at Boy Tingzon, kasalukuyang PONY Director for Asia Pacific, ang Team Manila ang unang koponan mula sa bansa at sa buong asya na nakapagwagi sa World Series.
Noong 2012, nakopo rin ng Big City Softbelles ang Big League 18-U World Series sa unang pagkakataon.