Ni JEFFREY G. DAMICOG

Dalawang umano’y bugaw ang naaresto habang 17 dalagita ang na-rescue ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa prostitusyon, sa Caloocan City.

Two suspected Human Traffickers named Glady Dulot and Cherry Ann Lascano were arrested by NBI agents during a raid in Caloocan City yesterday. Seventeen minors  who were offered for sexual services were rescued by NBI. (photo by ali vicoy)
Two suspected Human Traffickers named Glady Dulot and Cherry Ann Lascano were arrested by NBI agents during a raid in Caloocan City yesterday. Seventeen minors who were offered for sexual services were rescued by NBI. (photo by ali vicoy)

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang mga nadakip na sina Glady Dulot at Cherry Ann Lascano.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang dalawa ay inaresto ng Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) ng NBI sa operasyon nitong Huwebes sa isang pribadong resort sa Caloocan City, kung saan nailigtas ang 17 dalagita.

Sinabi ni Gierran kahapon na na-inquest na sina Dulot at Lascano sa Department of Justice (DoJ) sa paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking of Persons Act) at sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).

Aniya, ikinasa ng NBI ang operasyon makaraang makatanggap ng impormasyon ang ahensiya na isang grupo ng mga bugaw ang nag-aalok ng mga dalagita para sa serbisyong seksuwal sa mga lalaking kliyente, kabilang ang ilang dayuhan.

Pinresyuhan umano ng mga bugaw ng P6,000 ang bawat dalagitang mapipili, habang P1,000 naman sa hindi mapipili.

Dahil dito, nagkasa ng entrapment ang mga operatiba ng NBI sa mga suspek, na nagdala sa 17 dalagita sa resort, at kaagad na dinakip ang dalawang suspek matapos magkaabutan ng pera sa transaksiyon.

Samantala, nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development ang 17 dalagita.