Ni: Rey G. Panaligan
Nilinaw kahapon ng Supreme Court (SC) na walang restraining order laban sa implementasyon ng Reproductive Health (RH) law o sa lahat ng contraceptive products, maliban sa dalawang regulated contraceptives na Implanon at Implanon NXT.
Nakasaad sa pahayag na inilabas ni Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno na “Supreme Court has never issued a Temporary Restraining Order (TRO) against the implementation of the Reproductive Health Law.”
Ayon dito, nag-isyu ng TRO ang Second Division laban sa contraceptive implants na Implanon at Implanon NXT kaugnay sa mga kasong inihain ng Alliance for the Family Foundation Philippines Inc. et al. laban kay Hon. Janette Garin, et al., at Maria Concepcion S. Noche, et al. laban kay Hon. Janette Garin, et al.
Nilinaw din sa pahayag na ang TRO na may petsang Agosto 24, 2016 ay limitado lamang sa dalawang nabanggit na implant na pinaghihinalaang pampalaglag.
“The TRO also has a sunset provision—as soon as the FDA (Food and Drug Administration) certifies as provided by law that they are not abortifacient, the TRO is lifted,” saad sa pahayag.
Idiniin ni Sereno na ang pag-alis ng TRO sa dalawang contraceptive implants ay nasa kamay ng FDA, at hindi sa SC.
Ang Implanon at Implanon NXT ay itinutusok sa ilalim ng balat, at naglalabas ng hormones para pigilin ang pagbubuntis ng hanggang tatlong taon.
Inilabas ang pahayag bilang reaksiyon sa mensahe ni Pangulong Duterte kay Chief Justice Sereno, sa State of the Nation’s Address (SONA) nitong Lunes, kaugnay sa diumano’y TRO ng SC sa contraceptive products.
Nauna rito, nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order No. 12 na nag-uutos ng agresibong aksiyon ng gobyerno sa pagkakaloob ng universal access sa RH programs.