Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

ANG produktibong intelligence network, pribado man o ng pamahalaan, ay nakasalalay sa epektibong technical equipment na gumagamit ng mga modernong gadget na nakakonekta sa mabilis na linya ng telepono, Internet at iba pang gamit sa pakikipagtalastasan.

Kaya hindi kataka-takang madalas na nagmumukhang tanga ang mga ahente ng intelligence group ng pamahalaan dahil sa kakulangan nila sa mga kagamitang pang-technical operation o kaya naman ay sa kabagalan ng linya ng service provider na kinukunan nila ng tinatawag na “connectivity” para sa kanilang mga monitoring equipment.

Kaya dapat lang na makasama sa sinasabing programa ng administrasyong ito, na tinawag na “Golden Age of Infrastructure”, ang proyektong National Broadband Plan (NBP) na nangangailangang pondohan ng mula P77 bilyon hanggang P199 bilyon upang maging makatotohanan ang plano na maging pangatlong “Telecommunication Company” (Telco) ang pamahalaan bago magtapos ang dekadang ito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pamamagitan kasi ng proyektong ito ng NBP, sa loob lamang ng tatlo hanggang apat na taon ay maaari nang makipagtagisan ang Telco ng administrasyon ni Mano Digong sa mga higanteng telecommunication sa bansa, gaya ng Globe and PLDT-Smart, sa pagbibigay sa buong bansa ng “fast, efficient and reliable connectivity.”

Ayon kay Commissioner Gamaliel Cordoba, ng National Telecommunications Commission (NTC), napag-alaman niya sa ginawang Philippine Telecoms Summit kamakailan na halos lahat ng ating mga kapitbahay na bansa sa ASEAN ay mayroong sariling telecom network na mga “either wholly-owned, partly financed, or operated” ng kanilang pamahalaan. Dagdag pa ni Cordoba, ang nakalulungkot na katotohanan, dito sa ating bansa, ang mga: “broadband networks are constructed, owned and operated by private companies.”

Ang implementing agency para sa proyektong NBP ay ang bagong tanggapan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na pinamumunuan ni Atty. Rodolfo Salalima. Ang mandato ng ahensiyang ito ay nabanggit ni Mano Digong sa kanyang unang SONA noong Hulyo 2016.

Ayon kay Salalima, sa pamamagitan ng NBP ay magkakaroon na ng “broadband infrastructure” mula Batanes hanggang Tawi-Tawi na maghahatid sa bawat sulok ng bansa ng mabilis na “internet connectivity” na pinapangarap ng bawat Pilipino.

Ipinagdidiinan niya na mas pinapaboran nila na ang pangatlong Telco sa bansa ay “patakbuhin ng pamahalaan sa pamamagitan ng DICT.”

At upang ito ay maging matagumpay, kinakailangan din ang partisipasyon ng pribadong sector – gaya ng PLDT-Smart and Globe Telecom – na nanganganib naman na ‘di makatulong dahil sa kasalukuyang ‘di pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Telcos at ng Philippine... Competition Commission (PCC) at pakikialam umano ng opisinang ito sa mga desisyon at gawain ng NTC at DICT…ito naman kasi palagi ang nakapipigil sa magagandang proyekto ng pamahalaan. Ang mga “overlapping role” ng mga opisinang pampubliko na gustong pumapel o maambunan sa mga malalaking proyekto ng pamahalaan.

Sa pagkakaintindi ko sa isyung ito, ang pinag-aawayan dito ay ang 700 MHZ na frequency allocation na pag-aari ng SMC, ngunit ibinenta nito para paghatian ng dalawang malalaking Telco ng PLDT-Smart at Globe, na pilit namang hinaharang ng pamunuan ng PCC dahil hindi raw dapat na sa kanilang dalawa ulit mapunta ito.

Dapat na maresolba agad ang problemang ito sa pagitan ng PCC, NTC, DICT at mga Telco upang makalipad na ang proyektong ito na makapagdadala sa ating makipagsabayan sa mga kalapit-bansa.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]