Ni REGGEE BONOAN
ITINUTURO pa ba sa eskuwelahan ang Good Manners and Right Conduct, Bossing DMB?
Naitatanong namin ito dahil nagulat kami sa inasal ng batang actor sa isang restaurant na walang pakundangan na pinintasan to the max ang kinain nitong pasta at ininom na ice tea na maraming nakarinig.
Palibhasa kilala na ang batang actor kaya nilapitan siya ng staff ng restaurant at kinumusta ang food na isinerve sa kanya.
Laking gulat ng mga nakarinig sa isinagot ng batang actor, “Hindi masarap ang ice tea ninyo, matabang, walang lasa!”
Medyo nahiya ang staff ng restaurant at ipinaliwanag sa batang actor na, “Ano kasi ‘yan, organic, it’s house blend.”
Pero hindi pa rin nagrenda ng bibig ang batang actor, “Hindi nga masarap, walang lasa, matabang!”
“Baka kasi ang natitikman mong ice tea ay ‘yung _____ (commercial brand), puro asukal kasi ‘yun,” mahinahong paliwanag ng staff ng restaurant.
“Pati ‘tong spaghetti n’yo matabang!” hirit ulit ng batang actor.
“Ano bang lasa ang gusto mo?” balik-tanong ng restaurant staff.
“Dapat matamis,” sagot ng batang actor na tulog yata nang turuan ng magulang niya ng po at opo.
“Eh, ________ (popular Pinoy Food chain) ‘yung matamis, kasi ‘yun ang timpla nila,” mahinahong sabi ng staff.
Pero hindi pa rin tumigil sa katatalak ang batang actor sa kung anu-ano pang side comments at sinasabi na ito sa mga kasama.
Pagkatapos kumain ng batang aktor ay tumayo na para umalis, nagpasalamat naman ang mga kasama niya sa staff ng restaurant sa magandang serbisyo sa kanila at sinabihan nila ang una na magpasalamat din, pero naloka ang lahat dahil hindi man lang lumingon ang bagets, itinaas lang ang kamay habang naglalakad patalikod.
Tulalang nagkatinginan ang maraming nakasaksi sa inasal ng batang aktor, turn-off to the maximum level at nangapailing na lang.
Isang customer ang nagsabing, “Ano, nalunod na sa isang basong tubig?”
Well, hindi kami nagkamali ng kutob noong una naming nakausap ang batang aktor sa isang event at nagsisimula pa lang siyang gumawa ng pangalan, nagulat din kami sa mga sagot niya na feelingera na talaga.
Kaya, Bossing DMB, kami ang unang tumalikod sa batang aktor dahil hindi na namin tinapos ang interbyu.