Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon

Isa na namang drug suspect sa Quezon City ang bumulagta matapos umanong makipagbarilan sa mga umaarestong awtoridad, Huwebes ng madaling araw.

Sinabi ng mga pulis na nakipagbarilan si Allan Corpuz, 21, sa anti-drug operatives ng Masambong Police Station (PS-2) sa buy-bust operation sa Barangay Paltok, dakong 1:00 ng madaling araw.

Una rito, base sa report ng PS-2, nagsagawa sila ng entrapment operation laban kay Corpuz, na kabilang sa kanilang drugs watch list. Tinunton nila ito sa kanyang bahay sa panulukan ng Ilagan at West Santiago Street.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Sa entrapment, binentahan ni Corpuz ang poseur-buyer ng P500 halaga ng shabu.

Nang siya ay aarestuhin, bumunot umano si Corpuz ng caliber .45 pistol at nagsimulang magpaputok.

Labing-apat na iba pang pulis na nakaantabay sa lugar ang lumabas at binaril si Corpuz na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.

Nakuha mula sa suspek ang kanyang baril at 10 pakete ng hinihinalang shabu.