Ni: Jeffrey G. Damicog
Isang babaeng Singaporean ang iniligtas habang inaresto ang 45 dayuhan, na pawang hinihinalang miyembro ng isang Chinese kidnap for ransom group, sa operasyon sa Pasay City.
Ayon kay Department of Justice (DoJ) Undersecretary Erickson Balmes, dinala kahapon ng umaga sa DoJ ang 45 dayuhan upang isailalim sa inquest proceedings.
Idinagdag ni Balmes na ang 45 dayuhan ay inaasahang ihaharap kay DoJ State Prosecutor Richard Anthony Fadullon kasunod ng pagkakasagip kay Wu Yan kamakalawa.
Sinabi niya na ang grupo ay “believed to be responsible in the series of kidnapping incidents perpetrated against foreign nationals who are high roller casino players in recent months.”
Binanggit ang mga report mula sa Bureau of Immigration (BI), sinabi ng Undersecretary na si Yan ay sinagip mula sa Room 301 ng Bayview International Towers kung saan siya itinago simula nang sapilitang kunin mula sa Solaire Resort and Casino sa Pasay City.
Sinagip ang biktima sa joint anti-kidnapping operation ng pinagsanib na puwersa ng BI’s Fugitive Search Unit (BI-FSU) at ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG).
Sa nasabing operasyon, inaresto ng mga operatiba ang 26 na dayuhan na bigong magpakita ng kahit anong immigration document at tumangging isiwalat ang kanilang pagkakakilanlan.
Sa mga inaresto, kinilala ng biktima ang tatlong tao na sapilitang kumuha sa kanya mula sa Solaire Resort and Casino.
Kinilala ang tatlo na sina Ng Yu Meng at Goh Kok Keong na kapwa Malaysian, at si Zhang Fuxing na isang Chinese at sinasabing leader ng grupo.
Habang nakakulong, sinabi ni Balmes na ang biktima ay binugbog at tinakot ng mga kidnapper na humuhingi ng US$180,000 para sa kanyang paglaya.
Aniya, nagsagawa ng follow up operation ang AKG na naging sanhi ng pag-aresto sa 19 na iba pang dayuhan na pinaniniwalaang mga kamiyembro ng mga naunang inaresto.
Sa ngayon, sinabi ni Balmes na ang mga inarestong dayuhan ay dinala at ikinulong sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City.