Nina MARY ANN SANTIAGO at JEFFREY G. DAMICOG

Patay ang assistant prosecutor nang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Taytay, Rizal kamakalawa.

Tadtad ng tama ng bala ng baril si Maria S. Ronatay, nasa hustong gulang, at assistant prosecutor sa Rizal.

Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, naganap ang pananambang sa Ortigas Extension Road, sa Barangay San Isidro, sa Taytay, bandang 5:00 ng hapon.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Una rito, sakay ang biktima sa kanyang Honda CR-V (UQI-133), at binabagtas ang Ortigas Extension Road, mula Kaytikling Circumference Road, patungo sa Cainta nang maipit sa masikip na daloy ng trapiko.

Sinamantala ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek, na magkaangkas sa itim na Mio motorcycle, ang pagkakataon at tinabihan ang sasakyan ng biktima at saka pinagbabaril.

Humarurot ang mga suspek nang matiyak na patay na ang biktima.

Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek gayundin ang motibo sa pagpatay.

NBI MAG-IIMBESTIGA

Inatasan kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pananambang kay Ronatay.

“We condemn in the strongest possible terms the evidently premeditated killing of Prosecutor Maria Ronatay,” aniya sa isang statement.

“We need to bring the perpetrators to justice,” dagdag ni Aguirre.

Sa kanyang Department Order No. 489 na may petsang Hulyo 19, inatasan ni Aguirre ang NBI na ito ay “directed and granted authority to conduct investigation and case build-up on the death of Assistant Provincial Prosecutor Maria S. Ronatay who was ambushed and gunned-down by riding-in-tandem on 18 July 2017.”

“On behalf of the DOJ (Department of Justice) Family, I offer our solemn condolences to the family of Prosecutor Ronatay,” ayon sa statement ni Aguirre.