SINGAPORE – Walang naging balakid sa katuparan ng pangarap ng Pinay cagers.
Tinanghal na kampeon sa kauna-unahang pagkakataon ang Philippine girls team nang dominahin ang host Singapore, 82-32, sa championship match ng basketball sa 9th ASEAN Schools Games nitong Miyerkules sa Tampines Sports hub.
Sa pagbubunyi ng mga kababayan at Overseas Filipino Workers (OFW), nagawang umabante sa double digit ang Philippine Team sa kaagahan ng unang yugto ng laro at hindi na bumitaw para maitala ang pinakamalaking bentahe sa kasaysayan ng torneo.
Lutang din ang dominasyon ng Pinay sa elimination round laban sa Malaysia, Thailand at Indonesia.
“Ayaw na namin magsettle sa runner-up finish. Mindset namin talaga is to win the gold. In-instill ko talaga ‘yan sa kanila,” pahayag ni coach Angelina Fedillaga, nangasiwa rin sa koponan na nabigo sa Thailand sa nakalipas na dalawang edisyon
Nanguna si Kristine Cayabyab sa naiskor na team-high 21 puntos, habang kumubra sina Kent Jane Pastrana at Jeeul Rhcoel B. Bartolo ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
“We played with pride and teamwork. That’s why we won,” pahayag ni Fedillaga.
“Sobrang happy talaga. 1st time namin maggold. The credit for our success goes to the girl for playing well,” aniya.
Iginiit din ni Pastrana, 16, Grade 10 student sa Doña Montserrat Lopez Memorial High School, na naging determinado ang koponan bunsod nang mga natamong kabiguan sa nakalipas na taon at nagtulong-tulong ang bawat isa para masigurong maiuwi ang titulo.
“Nagconcentrate lang ako kung ano ang maitutulong ko sa team. Happy ako na naging part ako sa success ng team dito ASEAN Schools Games,” pahayag ni Pastrana.