Ni: Mary Ann Santiago
Dahil sa pakikipagkarera, sumalpok sa poste ng ilaw ang isang pampasaherong jeep na ikinasugat ng isang driver at 25 pasahero sa Antipolo City sa Rizal, kahapon ng madaling araw.
Isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center ang mga biktima, na sakay sa jeep na biyaheng Cogeo-Cubao at may plate number na UVB 972.
Ayon kay Police Inspector Rolando Baylon, Jr., Antipolo Deputy Chief of Police for Operations, naganap ang aksidente sa northbound lane ng Barangay Mayamot, dakong 5:20 ng madaling araw.
Sa ulat, mabilis ang takbo ng nasabing jeep na minamaneho ni Erwin Norana, 28, at nakikipag-unahan sa isa pang jeep.
Pagsapit sa pinangyarihan ay biglang nag-overtake si Norana, at dahil sa bilis ng kanyang pagpapatakbo ay nawalan siya ng kontrol sa manibela at tuluyang sumalpok sa poste ng ilaw.
Ayon kay Baylon, sa ngayon ay binabantayan ng kanyang mga tauhan si Norana sa ospital at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injury (self accident).