Ni: Bert de Guzman

HINDI pa man ay parang inuunahan agad (preempted) ni President Rodrigo Roa Duterte ang kasong inihain ng Office of the Ombudsman laban kay ex-Pres. Noynoy Aquino (ex-PNoy). Kinantiyawan niya si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa umano’y bugok o malabnaw na kaso laban kay dating Pangulong Aquino. Kung mismong ang Pangulo ay duda sa kaso ni ex-PNoy sa pagkamatay ng 44 SAF commandos sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, sino pang hukom ang magkakalakas ng loob na kontrahin ito? Wala raw mangyayari sa kasong ito. Balae vs balae. Magbalae sina PDU30 at Morales.

Hindi ba ganito rin ang nangyari sa kaso ni Supt. Marvin Marcos at 18 pulis na akusado sa pagpatay kay Albuera Mayor Espinosa? Dahil sa palaging pahayag niya na walang pulis na mabibilanggo sa pagtupad sa tungkulin laban sa illegal drugs, matapang at tahasan ang mga pulis na bumaril at pumatay sa mga pinaghihinalaang drug pusher o user na hindi man lang nakarating ang kaso sa hukuman?

Hindi dapat nagkokomento si PRRD sa ganitong mga isyu. Dapat hayaan niya ang proseso o pag-ikot ng hustisya at hayaan ang hukuman. Makapangyarihan ang Pangulo ng Pilipinas kaya maging ang DoJ ni Sec. Vitaliano Aguirre II ay parang na-pressure sa kasong murder ni Marcos. Ibinaba ang murder sa homicide kaya nakapagpiyansa si Marcos at ang 18 pulis na kasama niya. Ngayon, si Marcos ay malaya na at hinirang pang bagong hepe ng PNP-CIDG sa Region 12.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang rekomendasyon noon nina Sen. Ping Lacson, chairman ng Senate Committee on public order and dangerous drugs, at Sen. Dick Gordon, chairman ng Senate committee on justice, ay kasuhan si Marcos ng murder. Maging si Sec. Aguirre ay nagpahayag noon sa Senate hearing na “premeditated” ang pagpatay kay Espinosa. Ganito rin ang findings ng NBI na nasa ilalim ng DoJ. Pero, dahil sa mantra ni Mano Digong na “walang pulis na makukulong sa paglaban sa illegal drugs,” isang malayang ibon na si Supt. Marcos at 18 pulis at balik-puwesto pa! Sunod kaagad si Gen. Bato sa utos ng kanyang “amo”.

Sa kabila ng lahat, mataas pa rin ang approval at trust ratings ni PDU30 batay sa huling survey ng Pulse Asia nitong Hunyo 24-29 na ang kinapanayam ay 1,200 edad 18 pataas. Maging si Vice Pres. Leni Robredo ay tumanggap ng kanais-nais na approval at trust ratings. Natuwa ang Malacañang sa pag-angat ng ratings ni Pres. Rody bilang “pleasant news”.

Nagagalit din pala ang mapagpatawang hepe ng Philippine National Police na si Director General Ronald dela Rosa, alyas Bato. Nagalit siya ... kay Sen. Richard Gordon sa pagtawag sa kanya bilang BATUGAN (slothful) o tamad dahil umano sa pagkabigo niyang pigilan o masugpo ang mga krimen, lalo na ang mga pagpatay ng magkaangkas o riding-in-tandem criminals.

Pahayag ng galit na si Bato kay Sen. Dick Gordon: “He can call me BATO-GAN, but please remind him that this bato-gan, once angry or has had enough, can be ang bato-machine gun or a bato-Gatling gun.” Ang Gatling gun ay sunod sa pangalan ng inventor nito na si Richard Gatling, kapangalan ni Richard Gordon. Pinaglaruan daw kasi ni Sen. Dick ang BATO bilang Batu-Gan, palayaw ni Dela Rosa!