Tatlong kabig naitala ng Gilas Pilipinas sa Jones Cup.
TAIPEI – Muling nasukat ang kakayahan at tikas ng Gilas Pilipinas, ngunit tulad ng Taiwanese nabigong makausad ang Japanese side nang rumatsada sina Matthew Wright at Christian Standhardinger sa krusyal na sandali para sandigan ang Team Philippines Gilas sa 100-85 panalo nitong Martes sa 39th William Jones Cup.
Sunod na haharang sa Pinoy ang South Koreans.
Hataw ang Fil-German na si Standhardinger sa isa pang double-double performance, kabilang ang pakikipagtambalan kay Wright sa 12-0 sa huling anim na minuto para makopo ang ikatlong sunod na panalo matapos ang kabiguan sa Canada sa 10-nation cage tilt.
Sa kabila nito, lukot ang mukha ni National coach Chot Reyes sa pagkadismaya, dahilan para paalalahanan ang koponan sa mas mabigat na laban na naghihintay kabilang ang pagsagupa sa South Korea.
"There are no such thing as a weak team in a tournament such as this, and that was what I told the players," pahayag ni Reyes. "Japan gave us all we could handle and fortunately, we were able to weather the storm."
Sa unang pagkakataon, ipinasok ni Reyes sa starting line-up ang US NCAA mainstay na si Kobe Paras na nagbigay naman ang importanteng opensa, habang nakakuha rin ngplaying time ang Gilas cadets na sina Von Pessumal, Mike Tolomia, at Fonso Gotladera para ipadama sa Japan ang ikatlong sunod na kabiguan.
Ngunit, sa krusyal na sandali, sumandig si Reyes sa seasoned player na sina Kiefer Ravena, Jio Jalalon, Wright, Standhardinger at import Mike Myers, higit at sa huli na lamang naipagpag ng Gilas ang karibal na nakagunyapit sa 72-73 tungo sa huling limang minuto ng laro.
Nanguna ang 6-8 Standhardinger sa Gilas sa naiskor na 22 puntos at 15 rebound, habang tumipa si Myers ng 17 puntos at 17 rebound. Nag-ambag si Wright ng 15 puntos at apat na assist, habang kumana si Jalalon ng 11 puntos at dalawang steal.
Iskor:
Gilas (100) - Standhardinger 22, Myers 17, Wright 15, Ravena 11, Jalalon 11, Cruz 7, Pessumal 6, Pogoy 5, Paras 4, Tolomia 2, Gotladera 0.
Japan (85) – Sugiura 22, Vendrame 12, Hiraiwa 12, Hara 12, Ando 11, Nomoto 9, Tawatari 5, Ikuhara 2, Sato 0, Taichi 0.
Quarterscores: 19-16, 41-42, 66-66, 100-85