SINGAPORE – Umani ng papuri ang Pinoy volleyball player, hindi lamang sa galing na taglay kundi sa pagiging matapat.

Ibinalik ni Kenneth Culabat, spiker ng Philippine boys volleyball squad , ang napulot na wallet na naglalaman ng pera at mahahalagang dokumento at Samsung S6 mobile phone sa palikuran ng Republic Polytechnic center kung saan nakatakda nilang harapin ang host team.

VOLLEY copy copy

Kaagad na inabisuhan ni Culabat ang kanyang coach na mabilis namang ipinaalam sa local organizers. Sa paghahanap ng mga opisyal sa may-ari ng mga kagamitin, natagpuan nila ang may-ari na isa ring palang atleta ng Singapore volleyball team.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Kagyat na pinasalamatan ng atleta ang Team Philippines at hindi nakaligtas sa mapanuring mga opisyal ng Ministry of Education Singapore, sa pangunguna ni Divisional Director Student Curriculum Chen Kee Tan, ang naging aksiyon ni Culabat.

“Great character,” pahayag ni Tan, pinangunahan ang pagbibigay ng special token sa katapatan ng Pinoy.

“Sarap lang sa feeling. Nasuklian ang ginawa ko,” sambit ni Culabat matapos tanggapin ang Nila mascot doll at token of gratitude mula sa Singaporean player.

Pinasalamatan din ni Tan ang mga opisyal ng delegasyon, sa pangunguna nina Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond A. Maxey at DepEd Assistant Sec. Tonisito Umali at Philippine Chef de Mission Rizalino Jose Rosales.

Ang 18-anyos na si Culabat ay Grade 12 student sa St. Benilde International School sa Calamba City ay nakasama sa team sa kauna-unahang pagkakataon para sa ASEAN Schools Games.

Kung naging mababa ang loob ni Culabat sa nasuungang sitwasyon, naging malupit ito sa naiskor na 14 puntos para tulungan ang PH team kontra sa host team, 23-25, 25-16, 25-16, 25-19.

“We are just showing the character that we, Filipinos have,” pahayag ni Rosales.