Nina ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at FRANCIS T. WAKEFIELD

Inihayag ng Department of Health (DoH) na may kabuuang 40 evacuees mula sa Marawi City ang namatay dahil sa iba’t ibang sakit hanggang nitong Linggo ng gabi.

Sa ‘Mindanao Hour’ press briefing kahapon, sinabi ni Health Secretary Paulyn Ubial na kabilang sa mga ikinamatay ng 40 evacuees ang acute gastrointestinal infections at sakit sa puso.

“Twenty percent are due to complications of acute gastroenteritis, 15 percent are due to pneumonia, and 12.5 percent due to sepsis,” aniya.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

16,411 GINAGAMOT

Ayon kay Ubial, nasa 16,411 pasyente ang ginagamot sa iba’t ibang health facilities, pampubliko at pribado, at libre ang lahat ng gamutan sa mga ito. Mayroon ding 882 pasyente mula sa mga evacuation center ang inilipat sa mga ospital.

“When translated to number of individuals, the overall affected population is about 465,692 persons, close to half a million people,” sabi ni Ubial.

Binanggit ni Ubial na may mga temporary shelter na sa 87 evacuation center para sa 26,991 evacuees, habang nasa 97,788 pamilya o 438,701 katao ang nakatuloy sa mga bahay sa labas ng Marawi.

Tiniyak din ng kalihim na tinutugunan ng DoH ang mental health ng evacuees.

411 TERORISTA NAPATAY

Samantala, kinumpirma naman kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may karagdagang anim na miyembro ng Maute Group ang napatay ng militar, kaya sa kabuuan ay 411 terorista na ang napapaslang.

Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sinabi ni AFP Public Affairs Office (PAO) chief Marine Colonel Edgard Arevalo na nasa 97 na ang napapatay sa puwersa ng pamahalaan, habang 852 sundalo naman ang nasugatan.

“Iyung 852 na ‘yun, mahigit sa kalahati n’yan nanduroon na sa ano, nandun na sa…bumalik na sa frontline. At saka binibilang natin kahit tamaan ka lang ng splinter, tamaan ka ng shrapnel. Ini-include na natin as battle casualty,” paliwanag ni Arevalo.