Nina Nestor L. Abrematea at Rommel P. Tabbad
ORMOC CITY – Apat na barangay sa bulubundukin ng Ormoc ang mistulang “ghost town” matapos sapilitang inilikas ang mga residente dahil sa panganib na dulot ng nakaraang lindol.
Hindi pa pinapayagang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga nakatira sa barangay Lake Danao, Tongonan, Milagro at Cabanuan.
“Nanganganib ang mga residente kaya sila pilit na inilikas. Hindi rin sila mapadalhan ng tulong kaya nagpasiya kami na ibaba na lang sila sa mas ligtas na lugar,” saad ni City Administrator Vincent L. Emnas .
Kasalukuyang nakatira ang mga evacuees sa mga gym sa lungsod mismo kung saan sila binibigyan ng pagkain, tubig at iba pang pangangailangan, sabi ni Emnas.
Pinag-aaralan kung permanente na silang maninirahan sa city proper, dagdag niya.
Napag-alaman na may mga malalaking bitak sa lupa sa apat na barangay na maaaring gumuho.
Ayon kay Lourdes Ewan, na nakatira sa Lake Danao, ang magnitude 6.5 na lindol noong Hulyo 6 ang pinakamalakas na pagyanig na kaniyang naranasan.
Tiyak na mababago ang kaniyang buhay ngayong hindi na siya maaaring makabalik sa Lake Danao, aniya.
Aabot sa 27,000 katao ang nasa evacuation centers sa Eastern Visayas, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa probinsiya ng Leyte pa lang ay 12,000 na ang pansamantalang nanunuluyan sa 19 evacuation centers.
Ang nalalabing bilang ay nakituloy sa mga kamag-anak at kaibigan.
Ang mga evacuees ay mula sa 23 barangay sa Eastern Visayas na naapektuhan ng lindol.