Nina Aaron B. Recuenco at Fer Taboy
Labing-apat na preso ang pumuga mula sa Jolo Municipal Police Station kahapon ng umaga, at tatlo sa mga ito ang napatay ng mga tumutugis na awtoridad.
Anim sa mga tumakas ay kasapi ng Abu Sayyaf, ayon kay Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, police chief sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ang mga nasawi ay may kasong may kinalaman sa ilegal na droga, sabi ni Sindac.
Sila ay sina Julbig Alinjani, Budda Basali at Midzfar Sabili.
Isa pang inmate, si Gummi Maimbung, ang nasugatan.
“Our local police personnel are now conducting pursuit operations against 10 other inmates who were able to escape,” ani Sindac.
Nagpahiram ng K9 team at drone ang militar sa mga pulis na tumutugis sa natitirang pumuga, dagdag niya.
Sinabi ni Sr. Supt. Mario Buyuccan, director ng Sulu Provincial Police Office, na matapos lagariin ng 14 na bilanggo ang rehas ng kanilang selda, umakyat ang mga ito sa second floor kung saan sila tumalon sa labas ng gusali.
“It was then that our personnel there noticed it. They reacted to prevent the escape of the other inmates and some of them immediately conducted the pursuit operation,” pahayag ni Buyuccan sa Balita.
May 38 inmates ang nasa detention facility ng police station.
Sa isang text message, kinilala ni Sindac ang mga kasapi ng Abu Sayyaf na sina Makrim Habbisi, Alsimar Basali, Nasir Maldam, Albin Alibasa, Julhaber Sariol at Benjie Pandoga.