Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Muling ipinagdiinan ni Pangulong Rodrigo Duterte na may idudulot na positibong pagbabago ang kanyang campaign battle cry at mapupuksa ang ilegal na droga sa bansa sa kanyang termino.

Ito ay matapos muling magbalik ang illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) sa kabila ng presensiya ng Special Action Forces (SAF) at pagbitiw ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Benjamin De Los Santos dahil sa isyu.

Sa kanyang talumpati sa Davao City nitong Biyernes, sinabi ni Duterte na gagawin niya ang lahat upang maresolba ang problema sa ilegal na droga at siniguro sa publiko na maitatala ang pinakamababang kaso ng droga sa pagtatapos ng kanyang termino.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“I have to stop drugs, really stop. And it will stop,” sambit ni Duterte. “I, Rodrigo Duterte, will defend and protect the Filipino nation. Period.”

“I assure you, by the time I make my… kung buhay pa ako… five years from now, drugs will be at its lowest,” dugtong niya.

Noong panahon ng kampanya, ipinangako ni Duterte na pupuksain ang ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Gayunman, pinalawig niya ang ipinangakong deadline ng hanggang sa matapos ang kanyang termino matapos aminin na hindi niya akalain na ganito katindi ang problema ng bansa laban sa ilegal na droga, sinabing mayroong apat na milyong drug dependent sa ‘Pinas.

Nitong Biyernes, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na dismayado si Duterte dahil maging ang Pangulo ay umaming mahirap puksain ang ilegal na droga sa pambansang piitan kahit sino pa ang mamahala sa BuCor.

Gayunman, sinabi ni Andanar na walang sinisisi ang administrasyon sa muling pagbabalik ng illegal drug trade sa NBP dahil mismong si Duterte ay aminadong ang ilegal na droga ang isa sa pinakamalaking problema ng Pilipinas.

‘HANAPAN N’YO AKO NG BATAS’

Dumipensa rin ang Pangulo sa pangkaraniwan niyang pagbabanta na papatay ng tao, partikular na ang mga sangkot sa droga, na sumisira sa bansa, partikular na sa kabataan.

Sinabi rin niya na walang batas na nagbabawal sa president na takutin ang mga taong sumisira sa Pilipinas.

“So, find me a law… wherever you come from… point out to me a law in your country and in my country, which says you cannot threaten a criminal from destroying your country,” hamon ni Duterte sa kanyang mga kritiko.

“Is there a law, which says you cannot do it? Is there a law which says that you cannot blurt such statements as, ‘Do not bring our children to perdition because you’ll not only lose your funds, you’ll lose your life.’?” Tanong niya.