PH athletes, lalarga sa ASEAN School Games.

SINGAPORE – Umabot sa 1,650 student-athletes mula sa 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pumarada sa opisyal na pagbubukas ng 9th ASEAN School Games nitong Biyernes sa Singapore Indoor Stadium.

Sasabak ang PhilippineTeam na binubuo ng 223-member delegation at pawang medalist sa nakalipas na Palarong Pambansa, target na malagpasan ang ikaapat na puwesto sa overall standings sa torneo.

Punong-puno ng kumpiyansa ang atletang Pinoy sa kanilang pagparada kasama sina Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Tonisito Umali, Philippine Sports Commissioner Charles Raymond A. Maxey, Philippines Chef-De-Mission (CDM) Rizalito Jose Rosales, at deputy CDM Cesar Abalon.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hindi rin nawala sa katauhan ng Pinoy ang pagiging palakaibikan na lutang na lutang sa kanilang masayang pakikisalamuha sa mga karibal na atleta mula Vietnam, Laos, Thailand, Brunei Darrussalam, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Singapore, at first-timer Myanmar.

Pormal na binuksan ang torneo ni Tan Chen Kee, Ministry of Education Divisional director.

Iginiit niya na lubhang napakahalaga sa pagkakaisa ng mga bansa ang pagsasagawa ng mga programa sa sports.

“Through competing with the region’s best, I hope our student-athletes - like past athletes - will hone their sporting abilities and attain important values such as sportsmanship, resilience, and team work,” pahayag ni Tan, tumatayo ring ASEAN School Games Organizing Committee chairman.

“I am confident that our students will be good hosts as they forge deep and enduring friendships with their ASEAN friends,” aniya.

Ipinahayag naman ni Maxey na kumpiyansa ang delegasyon sa matikas na kampanya sa isang linggong torneo. Aniya, malaki ang laban ng Pinoy sa basketball, volleyball, swimming, track and field, table tennis, lawn tennis, artistic and rhythmic gymnastics, at sepak takraw.

“I am planning to watch the swimming heats Saturday at the Singapore Sports School,” sambit ni Maxey, na dumalo rin sa ASEAN School Sports Council 71st Technical Meeting kasama sina Umali, Abalon, at Rosales sa Marriott Tang Plaza.