Ni: Beth Camia at Raymund F. Antonio

Apat na araw bago ang palugit ng Supreme Court sa pagbayad ng nalalabing P30 milyon para pondohan ang kanyang election protest, idineposito ni dating Senador Bongbong Marcos ang nasabing halaga.

Dahil nakumpleto na ni Marcos ang P66 milyon na itinakdang halaga ng Presidential Electoral Tribunal, uusad na ang kanyang protesta laban sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo noong nakaraang halalan.

Ayon kay Atty. George Garcia, abogado ni Marcos, dalawang manager’s check na nagkakahalaga ng P30 milyon ang kanilang ibinayad sa Cash Collection and Disbursement Division ng SC kahapon, bago ang deadline sa Hulyo 14.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Sinabi ni Garcia na nalikom nila ang malaking halaga sa tulong ng mga kaibigan at sa pagbebenta ni Marcos ng kanyang condominium unit.

Samantala, hindi pa nakakabayad si Robredo ng P7.4 milyon sa ikalawang installment para naman sa kanyang counter election protest laban kay Marcos.

Iginiit ni Robredo na hindi siya natatakot sa protesta ni Marcos.

“We know one of the provinces being questioned is Camarines Sur. We all know the people here knows nothing like that happened,” aniya, bago ang pagsisimula ng preliminary conference sa kanyang kaso.