Ni: Jimi Escala

ISANG beteranang aktres ang nakausap namin sa labas ng Kia Theatre habang ginaganap ang Eddys Awards nitong nakaraang Linggo. Niyaya niya kami sa isang resto sa tabi ng teatro para sa makapagtsikahan.

Marami kaming napagkuwentuhan at isa na rito ang pelikulang Everything About Her na pinagbidahan nina Vilma Santos at Angel Locsin. Banggit niya sa amin, napakagaling ni Ate Vi at ni Angel kaya sigurado siya na ang dalawa ang mananalo nang gabing iyon.

VILMA AT ANGEL copy

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bagamat parehong bida sa Everything About Her ay magkahiwalay ng kategorya sa nominasyon ang dalawa, si Ate Vi para sa best actress at si Angel para sa best supporting actress na napagwagian nga nila!

Kuwento pa ng beteranang aktres sa amin, nakasama na rin niya si Ate Vi sa mga pelikula at hindi lang magaling umarte ang Star for All Seasons kundi pati na rin sa pagmemorya ng mga dayalog.

“Kung ako ang tatanungin, eh, parang si Vi yata ang number one pagdating sa pagmemorya ng mahahabang linya at nu’ng nakasama ko ‘yan sa dubbing, ang galing niya talaga,” sey pa ng aktres.

Hangang-hanga rin ang beteranang aktres kay Angel Locsin. Kagaya ni Ate Vi, puwedeng-puwede rin daw na maging public servant si Angel. Matulungin daw kasi ang dalaga at talagang may puso para sa mahihirap na kababayan.

“Sa totoo lang naman, kumpara sa kung sinu-sinong ipinuwesto ni President Duterte sa gobyerno niya, eh, hindi hamak na mas may karapatan si Angel. Kumpara diyan sa kung sinu-sinong mga starlet na binigyan ng posisyon sa gabinete dahil nangampanya sa presidente, eh, hindi hamak na mas mabuti pa sa kanila si Angel Locsin,” sey pa ng aktres.

Dagdag pa niya, marami raw sa mga nagsulputang mga artista ngayon ang walang respeto sa mga beteranong artista, na malayung-malayo kay Angel na very approachable.

“Si Angel, may kasama akong alalay dati na nagpakuha sa kanya ng picture, niyakap pa niya ito at kahit busy na siya that time, eh, pinagbigyan pa niya,” lahad pa rin ng kausap namin.