LONDON (AP) — Ilang ulit na nasa bingit ng kabiguan si Rafael Nadal. Ngunit, nanatili siyang lumalaban.
Nabigo siya sa unang dalawang set, subalit bumalikwas sa sumunod na dalawa para maipuwersa ang duwelo sa hangganan.
Nalagpasan niya ang dalawang match point sa ika-10 laro ng fifth set, gayundin ang dalawa pang match point sa ika-20 laro.
Lumagpas sa apat na oras ang laban at habang papalubog na ang araw, unti-unti ring kumulapso ang katatagan ng Spanish superstar.
Tuluyang sumuko ang lakas ni Nadal kontra sa 16th-seeded na si Gilles Muller ng Luxembourg , 6-3, 6-4, 3-6, 4-6, 15-13, Sa fourth round nitong Lunes (Martes sa Manila) sa Wimbledon.
“I played with the right determination, right passion, right attitude,” sambit ni Nadal, “to win the match.”
Matikas, ngunit kinapos si Nadal sa krusyal na sandali sapat para mahila ang kabiguan na makasikwat ng quarterfinal berth sa All England Club sa anim na sunod na taon.
“Just tried to hang in there,” pahayag ni Muller. “Still kept believing. Yeah, somehow in the end, I made it.”
Nakopo ni Nadal ang dalawang Wimbledon title sa kanyang 15 Grand Slam championships at nakarating sa Wimbledon sa Finals Four ng tatlong ulit, kabilang ang 2011. Subalit, mula noon, hindi na nakalusot si Nadal sa All England Club, kabilang ang kabiguan sa first round (2013), second round (2012, 2015) at fourth round (2014, 2017).
Lahat nang natamo niyang kabiguan ay laban sa karibal na ranked 100th o pataas. Maliban ngayong season kontra kay Muller.
Sunod na makakaharap ni Muller si 2014 U.S. Open champion Marin Cilic sa quarterfinal sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Ang iba pang men’s quarterfinal match: defending champion Andy Murray kontra Sam Querrey ng U.S., Roger Federer kontra Milos Raonic, Tomas Berdych kontra sa magwawagi sa duwelo nina Novak Djokovic at Adrian Mannarino.