Ni FRANCIS T. WAKEFIELD

Nabawi ng nagsanib-puwersang mga operatiba ng Anti-Kidnapping Group, Sulu Police Provincial Office, at 501st Brigade ng Philippine Army, sa ilalim ng Joint Task Force Sulu, ang dalawang bihag ng Abu Sayyaf, sa Daang Puti, Patikul, Sulu, nitong Biyernes ng hapon.

Sakay sa motorsiklo sina Reyjim Rocabo, 41; at Roel Leones, 37, kapwa taga-Tukuran, Zamboanga Del Sur nang maharang at marekober ng mga puwersa ng gobyerno, bandang 5:00 ng hapon nitong Biyernes.

Batay sa paunang pagberipika, sinabi nina Rocabo at Leones na napunta sila sa kustodiya ng isang Ben Tatoo at ni Almujer Yadah kasama ang ilan pang bihag ng mga bandido.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sina Rocabo at Leones ay kapwa tripulante ng FB Ramona 2 na sapilitang tinangay ng Abu Sayyaf kasama ang dalawa pang tripulante noong Disyembre 20, 2016 sa Celebes Sea.

Ang dalawa pang dinukot kasama nina Rocabo at Leones ay sina Noel Besconde, boat captain; at Roy Ramos.

Abril 13 nang pugutan si Besconde ng sub-leader na si Almujer Yadah sa Sitio Pantay Minol sa Barangay Tanum, Patikul.

Hunyo 6 naman nang makatakas si Ramos sa Patikul at ma-rescue ng militar sa Kandabaw, Bgy. Lagtoh sa Talipao makalipas ang dalawang araw.

“Rocabo and Leones are now under the custody of the Anti Kidnapping Group and will eventually be turned-over to their families after actionable information be taken from them,” sabi ni Brig. General Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Sulu.

Sinabi ni Sobejana na nagsasagawa na ng follow-up operations ang militar at pulisya para mailigtas ang iba pang bihag ng Abu Sayyaf.

Ayon kay Sobejana, nasa 20 pa ang bihag ng Abu Sayyaf sa ngayon, 16 sa mga ito ang dayuhan at apat ang Pilipino.